AFF Suzuki Cup, may bago nang petsa para sa 2021 tournament
- BULGAR

- Sep 27, 2020
- 1 min read
ni Anthony Servinio - @Sports | September 27, 2020

Nakapili na ng bagong petsa ang ASEAN Football Federation para sa naudlot na 2020 AFF Suzuki Cup. Ang pinakamalaking torneo sa Timog Silangang Asya ay gaganapin na mula Abril 11 hanggang Mayo 8 ng susunod na taong 2021 at iikot ang mga laro sa lahat ng mga kalahok na bansa at mapapanood muli ang Philippine Azkals.
Kung walang gagawing pagbabago sa pandaigdigang kalendaryo ng FIFA para sa 2021, ang mga bagong petsa ay hindi sakop ng mga tinatawag na FIFA Window. Hindi ngayon obligado ang mga koponan na ipahiram ang kanilang mga manlalaro sa mga pambansang koponan.
Dahil dito, kailangan makiusap ang Philippine Football Federation (PFF) sa mga koponan lalo na sa Europa kung saan may ilang Azkals na naglalaro sa pangunguna ni goalkeeper Neil Etheridge sa Inglatera. Nandiyan din ang isang dosenang Azkal sa Toyota Thai League na tatakbo hanggang Mayo.
Inaasahan na puno ang 2021 para sa Azkals at sasabak din sila sa qualifiers para sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup China. Lalahok din ang Young Azkals (Under-23) sa 31st Southeast Asian Games sa Vietnam sa Disyembre.
Unang nakatakda dapat ang Suzuki Cup ngayong Nobyembre at Disyembre subalit nagpasya ang AFF na ipagpaliban ito bunga ng COVID-19. Nadamay din ang ilang torneo nila para sa mga kabataan at pati rin sa Futsal at Beach Soccer.
Isa sa mga torneo na ito ang 2020 AFF Women’s Championship kung saan magsisilbi dapat sa unang pagkakataon ang Pilipinas bilang punong abala noong nakaraang Mayo. Hahanapan pa ito ng bagong petsa.





Comments