top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

AFF Phl U-16 boys, dapa sa Indonesia

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 2, 2022
1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | August 2, 2022



Hindi naging maganda ang simula ng kampanya ng Pilipinas sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Under-16 Boys Championship matapos madapa sa host Indonesia, 2-0, Linggo ng gabi sa Maguwoharjo Stadium sa Sleman. Dahil dito, kailangan manalo ang mga Batang Azkals sa sunod nilang laro sa Miyerkules kontra Vietnam simula 4:00 ng hapon sa Sultan Agung Stadium ng Bantul.


Lumamang agad ang mga Indones apat na minuto lang ang nakakalipas. Sinubukan harangin ni kapitan Jared Alexander Pena ang sipa ni Arkhan Purwanto subalit aksidenteng naipasok niya ito sa goal ng Pilipinas at hindi ito napigil ni goalkeeper Cesar Inigo Castro III.


Matapos ang regalong goal, umatake muli si Purwanto at walang dudang ipinasok ang bola sa ika-38 minuto upang gawing 2-0 ang talaan. Inamin ni Coach Christopher Pedimonte sa pulong balitaan pagkatapos ng laro na kabado ang mga Batang Azkals at ito ang una nilang sabak matapos pagbawalan maglaro ang mahigit dalawang taon bunga ng pandemya. Kahit bigo, nananatiling positibo ang lahat dahil lumaban na ng sabayan at second at marami silang nalikha na pagkakataon na maka-goal.


Ang susunod nilang haharapin na Vietnam ay galing sa isang kumbinsidong 5-1 tambakan sa Singapore. Maliban kay Pena at Castro, ang iba pang mga kasapi ng Batang Azkals ay sina Jeb Salceda, Carlito Vergara, Matt Lim, Luigi Tupaz, Alexander Sabatin, Sam Salingay, Bacchus Ekberg, Javier Cuadra, Julian Antonio Yoldi, Shaun Saludez, Trey King, Daniel Isaac Cagaan, Zeus Cortes, Arvin Alayon, Jaryl Pineda, Kent Belgira, Andres Gabriel Dumlao, Mateo Sebastian Lacson, Lucas Andan, Eugene Molleno, Marcus Arias at Marco Ouano.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page