Adiwang vs. Miado sa Marso
- BULGAR
- Feb 12, 2022
- 1 min read
ni Gerard Arce - @Sports | February 12, 2022

Upakang Pinoy sa Pinoy ang naidagdag sa ika-10 anibersaryo ng One Championship sa pagitan nina Team Lakay Lito “Thunder Kid” Adiwang at Jeremy “The Jaguar” Miado sa strawweight bout sa ONE X sa Marso 26 sa Singapore Indoor Stadium sa Singapore.
Tatangkain ng magkababayang fighter na makasungkit ng panalo sa kasunod ng magkaibang resulta ng mga laban noong 2021. Puntirya ng 28-anyos mula Baguio City na makabawi sa huling pagkatalo kontra kay Jarred “The Monkey God” Brooks noong Nobyembre 2021.
Galing naman sa impresibong knockout victory ang 29-anyos mula Marrock Force MMA sa Bangkok laban kay Li Tao Miao ng China NextGen noong Oktubre 2021.
May pambihirang rekord si Adiwang sa 13-4 kasama ang 7 KOs at 4 na submissions, habang si Miado ay may 10-4 kartada, 5 KOs at 1 submission. Tiyak na kapananabikan ang basagan ng mukha ng dalawa na kilala sa mabibigat na kamao at eksplosibong striking skills bilang pambungad na tampok ang inaabangang Special Rules Super-Fight nina MMA legend at dating UFC flyweight champion Demetrious “Mighty Mouse” Johnson at reigning ONE flyweight muay thai champion Rodtang “The Iron Man” Jitmuangnon.





Comments