Adalem-St.Clare, Naka-2nd win, Nakaisa ang APEX sa D-League
ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 15, 2022

Dinomina ng Adalem Construction-St. Clare College ang kapwa kasapi sa NAASCU na AMA Online Education, 84-50, para sa kanilang ikalawang sunod na tagumpay sa pagpapatuloy ng 2022 PBA D-League Aspirants Cup kahapon sa Araneta Coliseum. Sa pangalawang laro, naitala ng Apex Fuel-San Sebastian ang unang panalo kontra Builders Warehouse-UST, 88-83.
Ibinuhos ng Saints ang unang 14 puntos ng 4th quarter upang itayo ang pinakamalaking lamang, 78-39, sa likod nina John Edcel Rojas, Bam Lopez at Babacar Ndong. Inabot ng 5 minuto bago nakapuntos ang Kings subalit masyado nang malaki ang agwat.
Minsan lang nakatikim ng lamang ang AMA, 5-3, sa bisa ng 3-point play ni Joshua Villamor subalit uminit bigla Ang Saints at kinuha ang first quarter, 21-8. Lalong diniinan ng mas matangkad na St. Clare ang Kings para madaling makapuntos sina Rojas at JJ Manacho upang lalong lumayo sa halftime, 42-24, at hindi na sila lumingon mula roon.
Namuno sa Saints si Estacio na ipinasok ang walo sa 15 puntos sa 3rd quarter at sinundan nina Rojas na may 13 puntos at Lopez na may 10 puntos. Hindi naglaro si NAASCU MVP at Rookie of the Year Johnsherick Estrada dahil may karamdaman.
Si Ado Cruz ang nanguna sa Kings sa 11 puntos habang nag-ambag ng 8 puntos si Villamor. Maliban sa puntos, tinambakan ng St. Clare ang AMA sa padamihan ng rebound, 70-37, at assist, 24-10.
Naglabas ng bagong sandata ang Apex Fuel sa katauhan ni forward Rhinwil Yambing na bumanat ng todo sa second half. Lamang ang UST, 50-42, subalit rumatrat ng 15 sunod-sunod na puntos ang Stags para umabante, 57-50.





Comments