Aces, nanorpresa, pinalawig pa ang quarterfinal seat
ni Gerard Arce - @Sports | March 17, 2022

Napuwersa ng Alaska Aces ang isang winner-take-all quarterfinal game sa darating na Sabado laban sa NLEX Road Warriors matapos ang 93-79 panalo kahapon at mapanatiling buhay ang kampanya sa kanilang ‘farewell tour’ sa 2021 Honda PBA Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos ang hindi magandang panimula sa first period, kung saan tinapos ng NLEX ang naturang quarter sa pamamagitan ng 13-2 salvo para makuha ang 26-12 na bentahe, naiibang Alaska ang nagpamalas ng mala “never say die” spirit sa second quarter nang bumangon ang koponan sa pagkakalubog sa 16-point lead sa 20-36 ng 8:23 mark para itarak ang 20-2 run sa pagtutulungan nina Jeron Teng, bagong import na si Mark St. Fort, Maverick Ahanmisi, Allyn Bulanadi, Yousef Taha, Abu Tratter at Mike Di Gregorio upang iangat sa 40-38 sa pagtatapos ng first half.
Hindi na binitawan pa ng Aces ang kalamangan hanggang sa dulo ng laro ng mag-init naman sa 3rd quarter si Mike Tolomia na bumuslo ng 10 puntos sa third canto para mapanatili ang lamang sa 64-55. Itinala naman ng Alaska ang pinakamalaking kalamangan nito sa 84-67 sa 4:10 ng last period hanggang sa tuluyang maputol nito ang two-game losing skid at manatiling buhay ang pag-asa sa liga matapos ianunsyo nung isang buwan ang pag-alis ng koponan sa liga matapos ang 35 seasons.
“We don’t want this to be our last game and what it makes harder is that it could possibly be the end for us, but that gives us challenge and motivation. We use it to focus even more and play together even more, everyone steps of the court and came up to play today, that’s’ the could probably one of the factors for this win,” pahayag ni Alaska head coach Jeffrey Cariaso sa post game press conference.
Itinanghal na best player of the game si Teng sa kanyang 16 points, habang nangangapa pa ang 33-anyos na dating miyembro ng Bahamas national squad at nakitang sumabak sa Japan B-League na si St. Fort ng kumana ito ng 17pts. Pinalitan nito si Olu Ashaolu na nagtamo ng injury. Nag-ambag naman ng 12pts si Tratter at tig-9 pts sina Digregorio at Taha.





Comments