Aces, 'di pinaporma ang Bolts
ni Gerard Arce - @Sports | February 27, 2022

Isinalpak ni 2020 31st round pick mula San Sebastian Stags guard RK Ilagan ang isang winning buzzer beating jump shot upang dalhin ang Alaska Aces sa makapigil-hiningang panalo at ibigay ang ikalawang talo sa Meralco Bolts sa pamamagitan ng 94-93 kagabi sa nalalapit na pagtatapos ng elimination round ng 2021 PBA Governor’s Cup sa Ynares Center sa Antipolo City.
Sa nalalabing tatlong segundo ng laro, nabigyan ng pagkakataon na magpakitang gilas at mapagkatiwalaan ang 5-foot-7 court general na ilagay sa mga kamay ang katayuan ng Alaska nang ibuslo nito ang malupit na jump shot ng makawala sa pagbabantay ni Bong Quinto at itarak ang panalo para sa ika-6 na panalo sa siyam na laro at masolo ang 4th place spot sa team standings.
“The play was designed for RK. I think when you work as hard as RK and if you put everything, he truly deserves the opportunity. He’s taking that shots every practice and good for him and I’m happy and proud of him,” pahayag ni Alaska head coach Jeff Cariaso patungkol sa huling play para bench point guard, kung saan meron lamang 13pts ang koponan sa fourth period matapos tapyasin ng Meralco ang 17pt lead na nairehistro sa third canto.
Nagbuslo ng 11pts, si Ilagan na tinanghal na best player of the game, katulong sina Olu Ashaolu na napatalsik sa laro dulot ng dalawang technical fouls sa 21pts at 9 rebs, habang bumira rin ng 21pts si Mike Digregorio at nag-ambag ng 12pts si Jeron Teng. Nasayang naman ang 32pts at 12-of-18 shooting ni Allein Maliksi nan a-fouled out sa 7:13 ng fourth period para sa Meralco, na nakakuha ng suporta kina Tony Bishop sa 18pts at 13 rebs at Raymond Almazan sa 12pts. “For me yung trust na ibinigay sa akin yung last shot, sobrang bless na nashoot na thankful ako sa coaches at team mates. Yung mentally naming na depensa naming magimprove every game, utos ni coach na pagbutihan ang depensa,” wika ni Ilagan.





Comments