Accreditation ng 12 driving school, binawi ng LTO
- BULGAR

- 2 days ago
- 1 min read
ni Jeff Tumbado @News | April 23, 2026

Tinaggalan ng Land Transportation Office (LTO) ng akreditasyon ang hindi bababa sa 12 driving school sa National Capital Region (NCR) matapos mapatunayang lumabag ang mga ito sa umiiral na mga patakaran.
Sa pahayag ng ahensya, isinagawa ang hakbang sa pamamagitan ng Central Accreditation Committee on Driving Schools and Medical Clinics matapos maresolba ang ilang Show Cause Orders na inisyu laban sa mga nasabing driving schools.
Ayon sa LTO, dumaan sa masusing ebalwasyon ang mga driving school batay sa kanilang pagsunod sa mga regulasyon, partikular sa ilalim ng Memorandum Circular No. VDM-2023-2460.
Kabilang sa mga tinanggalan ng akreditasyon ang:
RSY Driving School
Learn Fast Driving School
Senjal Driving School, Inc. – Fugoso
Senjal Driving School Inc. – Brgy. Pinyahan
MC Driving School
SMJ Automobile Driving School – Novaliches
RNJ Driving Academy Co.
Precision Driving School – Katipunan
Jaeda Driving Institute – Valenzuela
SG7 Driving School
K Shine Star Driving School Corp. – Biak na Bato at
Qualiserve Driving School – Valenzuela
Ipinaliwanag ng LTO na kabilang sa mga paglabag ng mga paaralan ang maling representasyon sa kanilang aplikasyon o operasyon, maling paggamit ng akreditasyon, at hindi pagsunod sa itinakdang pamantayan ng ahensya.
Dahil sa desisyon, hindi na pinapayagan ang nasabing mga driving school na magpatuloy bilang LTO-accredited institutions.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng ahensya upang mapanatili ang integridad ng driver education sa bansa.




Comments