Abusadong rice importers, lagot!
- BULGAR

- Sep 3
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | September 3, 2025

Sa gitna ng isyu sa presyo ng bigas, hindi lamang ang pamahalaan ang may pananagutan kundi ang mga importer nito na kadalasang nagiging sanhi ng problema.
Kapag sila ay nagpatuloy sa pag-abuso, hindi lamang kabuhayan ng magsasaka ang nasasagasaan, maging ang sikmura ng karaniwang mamamayan.
Mula nang ipatupad ang 60-araw na ban sa pag-aangkat ng regular at well-milled rice, nagkaroon ng pagbabago sa takbo ng presyo sa merkado.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., habang may murang imported rice na nasa P35 hanggang P42 kada kilo, may ilan pa ring traders na nagbebenta ng halos kaparehong kalidad sa mas mataas na presyong P47 hanggang P48. Malinaw na panlilinlang ito sa mga konsyumer at sa kabila ng babala, may mga importer na tila kayang suwayin ang regulasyon kapalit ng mas malaking tubo.
Kaya naman hindi na nag-atubili ang Department of Agriculture (DA) na magbigay ng ultimatum sa mga rice importer na mapatutunayang lumabag, sila ay maaaring i-blacklist o tuluyang i-revoke ang import permit.
Ito ang hakbang na dapat noon pa ginawa — dahil kung walang matinding pananagutan, tuluy-tuloy lamang ang pagsasamantala. Mabuti’t ngayon, tahasang sinasabi ng gobyerno na hindi sila magdadalawang-isip na patawan ng parusa ang mga ganid sa industriya.
Nakikinabang naman ang mga magsasaka rito, dahil sa tumataas ang farmgate price ng palay mula P8-P10 hanggang P14-P15 kada kilo matapos ipag-utos ng Pangulo ang naturang ban. Gayunpaman, malinaw na pansamantalang lunas lamang ito. Kung hindi aayusin ang Rice Tariffication Law, mananatiling vulnerable ang sektor ng agrikultura.
Nakakabahala naman ang pagtaas ng presyo ng bigas dahil sa inaasahang pagtaas din ng local supply, gaya ng babala ng Philippine Rice Industry Stakeholders Movement. Subalit, mas mabigat ang epekto nito kung hindi didisiplinahin ang mga pasaway na importer na batid ang kalakaran sa merkado.
Ang problema rito ay hindi ang kakulangan ng suplay ng bigas kundi ang walang pakundangang paggalaw ng presyo upang samantalahin ang mga mamimili.
Ang pagkakaroon ng murang bigas ay hindi lang nakasalalay sa pamahalaan kundi sa pagtutulungan ng lahat. Kaya naman sa mga abusadong rice importer, nararapat lamang na patawan sila ng kaparusahan ng kinauukulan. At hindi puwedeng hayaan silang ‘laruin’ ang sikmura ng taumbayan para lamang sa kanilang kapakinabangan.
Isipin sana natin na ang bigas ay pangunahing pangangailangan ng bawat Pinoy at itinuturing na kayamanan na pinahahalagahan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments