Abusadong Customs official, pangalanan!
- BULGAR
- Aug 10, 2022
- 1 min read
ni Ryan Sison - @Boses | August 10, 2022
Nagpapasaklolo ang ilang importers at humihiling na maimbestigahan ang isang Customs officer na diumano’y gumagamit ng kanyang posisyon upang mangikil ng pera mula sa mga ito.
Ito ang ibinulgar ng isang mambabatas, kung saan giit pa umano ng mga importer, wala silang magawa at napipilitang magbigay ng hinihinging halaga upang mai-release ang kanilang mga kargamento dahil kung hindi ay lalong maaapektuhan ang kanilang negosyo. Gayundin, may mga pagkakataon pa umanong umaabot ng P100,000 ang hinihingi sa mga importer.
Samantala, tiniyak ng mambabatas na agad itong maghahain ng House Resolution upang maimbestigahan ang insidente. Binigyang-diin pa nito na walang puwang ang korupsyon sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa totoo lang, matagal nang may ganitong isyu sa Customs at napapanahon na itong maimbestigahan at matuldukan.
Kawawa ang mga negosyanteng umaasa sa mga produktong galing sa ibang bansa dahil imbes na kumita, lalong nahihirapan at nalulugi dahil sa pang-aabuso ng kapangyarihan sa Customs. Isa pa, marami sa kanila ang tumigil at nagsara na lang ng negosyo dahil sa naturang pang-aabuso.
Kaya naman panawagan sa mga kinauukulan, galaw-galaw para maimbestigahan ang naturang kawani. Kung kinakailangan, pangalanan at isapubliko ang pangalan ng kawani.
Hangad nating hindi lang puro pramis ang pagtulong natin sa mga importer.
Para sa mga nakaupo sa Customs, sana’y magsilbi itong paalala na nariyan kayo sa posisyon upang manilbihan at hindi para gamitin ang kapangyarihan para sa pansariling kapakinabangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments