Absuwelto sa droga.. Kerwin Espinosa, 4 pa pinayagang magpiyansa
- BULGAR

- Jun 15, 2023
- 1 min read
ni Mai Ancheta | June 15, 2023

Pinayagan ng korte sa Leyte na makapagpagpiyansa si self-confessed drug lord Rolan "Kerwin" Espinosa kaugnay sa kasong illegal drug trade kasama ang apat na kapwa akusado nito.
Batay sa resolusyon ni Judge Carlos Arguelles ng Baybay City Leyte Regional Trial Court Branch 14, pinayagang makapagpiyansa ang mga akusado dahil sa kabiguan ng prosekusyon na patunayang malakas ang evidence of guilt laban kina Espinosa.
Kabilang sa mga pinayagang makapagpiyansa ay mga kapwa akusadong sina Brian Anthoy Zaldivar, Jose Antipuesto, Alfred Batistis at Marcelo Adorco.
Inirekomenda ang P700,000 piyansa sa bawat akusado.
Gayunman, hindi pa rin makakalaya si Espinosa kahit pinayagang makapagpiyansa ng korte dahil mayroon pa itong dalawang kinakaharap na kasong non-bailable sa Manila
Regional Trial Court — ang isa ay kasong droga at ang isa ay illegal possession of firearms and explosives.
Isa sa mga kaso ni Espinosa na may kinalaman sa ilegal na droga ay na-dismiss noong December 2021, habang nitong unang linggo ng Hunyo ay na-acquit din ito sa kasong droga sa isang korte sa Malayo City dahil sa umano'y kakulangan ng ebidensiya para maidiin ito sa kaso.
Binawi rin ni Espinosa ang kanyang alegasyon kay dating Senadora Leila de Lima kaugnay sa droga noong nakalipas na taon at iginiit na pinilit siya, tinakot at pinagbantaan para idawit sa kaso ang dating senadora.





Comments