Abangan, tune-up game ng Gilas Pilipinas vs. South Korea
- BULGAR

- 22 hours ago
- 2 min read
by Anthony Servinio @Sports News | September 2, 2026

Photo: Bola PH
Laro ngayong Biyernes - Suwon 6 PM Pilipinas vs. Timog Korea
Magsisilbing huling paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa Aichi-Nagoya Asian Games ang Hana Bank Invitational. Ito ay dalawang laban sa maglalaro rin sa Asiad na Timog Korea ngayong Biyernes at Linggo sa Suwon KT Sonicboom Arena sa South Korea.
Asahan ang bagong anyo ng mga Pinoy at tanging sina Justine Baltazar, Justin Arana at RJ Abarrientos lang ang babalik mula sa katatapos na FIBA World Cup Qualifiers kontra Jordan at Iran.
Sasamahan sila nina Robert Bolick, Adrian Nocum, Sedrick Barefield, Jerrick Ahanmisi, Don Trollano, Zavier Lucero, Brandon Bates, Brandon Ganuelas-Rosser, Sean Quitevis, Geo Chiu at kung siya ay malusog, Justin Brownlee. Kabaligtaran ang kaso ng mga Koreano at itatapat nila ang koponan na sumalang din sa World Cup Qualifiers laban sa Lebanon at Saudi Arabia.
Gagabayan sila ni Coach Nikolaj Mazurs ng Latvia ang pinakauna nilang banyagang coach sa kasaysayan.
Kung gagamiting batayan ang mga numero sa qualifiers, sasandal sa opensa ang mga Koreano sa mga forward Lee Hyun Jung at Yeo Jun Seok at gwardiya Lee Jung Hyun. Noong Hangzhou 2022 ay umabot ang Korea sa quarterfinals pero natalo sa host Tsina, 70-84.
Hindi muna maghaharap ngayon ang Gilas at Korea dahil nabunot ang mga Koreano sa Grupo A kasama ang host Japan, Saudi Arabia at Indonesia. Nasa Grupo C ang Gilas kasama ang Tsina, Bahrain at Kazakhstan habang ang Grupo B ay Jordan, Iran, Qatar at Chinese-Taipei.
Samantala, asahan ang malupit na kinatawan sa Asiad Men's 3x3 sa pangunguna nina Luis Pablo, Doy Dungo at Koji Buenaflor. Sina Kacey dela Rosa, Kennan Ka, Louna Ozar at Amyah Espanol sa Women's.
Makakalaro ng mga kalalayang Mongolia, Kazakhstan at Sri Lanka sa Grupo A. Ang mga Pinay ay nasa Grupo C laban sa Mongolia, Malaysia at Macau.





Comments