top of page

Abangan ang kakayahan ni P-BBM na ituloy ang legacy ni Marcos, Sr.

  • BULGAR
  • Jul 1, 2022
  • 3 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | July 1, 2022


WALA nang duda, nakabalik na ang Marcos sa Palasyo.

Ano ang kahulugan nito?


Aktwal nang nilinis ng resulta sa huling eleksyon ang “Pangalang Marcos”.


◘◘◘


VOX Populi, Vox Dei.


Ang tinig ng tao ay tinig ng Diyos!


◘◘◘


KAHIT ano ang sabihin ng mga kritiko, naniniwala ang mayorya ng mga Filipino na walang atraso ang Pamilya Marcos sa sambayanang Filipino.


Ito ay dahil sa resulta ng eleksyon.


◘◘◘


HINDI isyu ngayon ang maka-Marcos o anti-Marcos, ang isyu ngayon ay kung may kakayahan ang His Excellency Ferdinand Romualdez Marcos, Jr. na ituloy ang nasimulan ng kanyang ama.

Nais nating ipaalala ang 2-tiklop na layunin nang ideklara ang Batas-Militar.


Ayon sa matandang Marcos: Una, ito ay upang sagipin ang Republika mula sa pangil ng mga rebelde; ikalawa, upang ireporma ang lipunan.


◘◘◘


MALINAW na napagot na ni P-Digong ang sesesyonista sa Mindanao at kamandar ng Partido Komunista sa Pilipinas.


Kung gayun, sa ikalawang mithiin na lamang magpopokus si P-BBM—ito ay ang maireporma ang lipunan.


◘◘◘


SIMPLE lang at hindi dapat masalimuot ang diskarte ni P-BBM.


Tinangka ni Marcos, Sr. na baguhin ang lipunan kasangga ang kanyang maybahay na si dating First Lady Imelda Marcos nang likhain ang Ministry of Human Settlement (MHS)—at ito ang naging sentro sa pagbabago ng lipunan sa panahon ng matandang Marcos.


◘◘◘


TINUTUKAN ng matandang Marcos at dating FL Imelda ang pagbabago sa lipunan ng hatiin ang sektor sa 11 pangangailangan.


Kabilang ang shelter (1) housing; water (2); energy (3); mobility (4); power (5); livelihood (6); ecology (7); health (8); education (9); sports and recreation (10); clothing (11).


◘◘◘


ANG unang Marcos administration ay masasabi nating “baranganic government”, kung saan nakaabot sa kasuluk-sulukang barangay ang serbisyo direkta mula sa Palasyo.

Unang pinababa ni Marcos ang batambatang si Ernie Maceda ng pamunuan ang PACD—Presidential Arms for Community Development.


Nang lumaon ang PACD ay naging DILG.


◘◘◘


ANG PACD fieldmen ay direktang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa mga barangay leaders kasama ang mga magsasaka.

Kasabay nito, binuo rin ang BaExt—Bureau of Animal Industry Extension workers na nag-o-organisa ng mamamayan kada barangay.


Ka-parallel nito ang mga agri-technician ng Ministry of Agriculture na siyang kumakausap ng personal sa mga barangay leaders.


◘◘◘


MASIGLA ang bawat kilos sa lahat ng barangay sa panahon ng unang Marcos administration.


Kabilang din ang mga Rural Health Workers na nagtalaga ng mga Barangay Nutrition Scholar upang bigyan ng libreng pagkain ang mga musmos at regular na timbangin upang masugpo ang malnutrisyon sa buong bansa.


◘◘◘


PINAKAMATINDI ay ang serye ng mga workshop-seminar leadership training sa lahat ng barangay sa pagbabalangkas ng Barangay Brigades.

Bago mawala sa Palasyo ang matandang Marcos, masigla ang pagkilos ng Barangay Brigades na may kani-kanyang pulutong (28- member platoon) sa kada sektor ng 11 basic needs.


Marami pa ang nakaalala ng malawakang organization activities ng barangay brigades.


◘◘◘


MARAMI ang nagdarasal na ibalik ni P-BBM—ang masiglang galaw sa 43,000 sa buong bansa.


Kasabay ng serye ng seminar-workshop-training ang pagsusulong ng Ideolohiyang Pilipino na umuugat sa kadakilaang ng Lahit Kayumanggi.


◘◘◘


KAKAMBAL ng MHS ay Kabataang Barangay na umaasiste sa organisasyon ng Barangay Brigades bilang organizer sa lahat ng sulok ng bansa.


Sa gitna nito, humugot ng higit 200 iskolar mula sa iba’t ibang ahensya at rehiyon ang MHS katuwang ang Development Academy of the Philippines (DAP), University of the Philippines (UP) at Presidential Center of Special Studies (PCSS) upang hasain sa 18-month in-campus Human Development and Community Management (HDCM) Special Course.


◘◘◘


NAGTAPOS ang mga iskolar noong Pebrero 23, 1982 at ikinalat sa buong bansa bilang catalyzer o change agent sa ilalim ng MHS.


Gayunman, noong 1986, binuwag ang MHS at hindi naipagpatuloy ang pagbabago ng lipunang huhubugin sana ng mga iskolar na may sapat karanasan at kasanayan sa “planned change”.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page