top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

Abangan ang AMAZING PAMASKO NI POGI!

  • BULGAR
  • Nov 25, 2022
  • 4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | November 25, 2022


Tuluy-tuloy pa rin ang isinagawa nating BAYANIHAN OPERATIONS hindi lang para sa mga biktima ng Bagyong Paeng kung hindi sa lahat ng mga biktima ng iba’t ibang kalamidad na hanggang sa kasalukuyan ay nasa mga evacuation center pa rin.


Linggu-linggo ay personal nating tinutungo ang iba’t ibang lugar, tulad ng maraming bahagi ng Luzon,Visayas at Mindanao dahil may mga lugar na patung-patong na kalamidad na ang pinagdaanan, ngunit hindi pa rin nakababalik sa kani-kanilang tahanan.


Tulad na lamang ng ilang lugar sa hilagang bahagi ng Luzon na matapos hagupitin ng Bagyong Neneng ay giniba naman ng Lindol at hindi pa nakakarekober sa lindol ay hinataw naman ng Bagyong Paeng at marami pang lugar ang nasa ganito pang sitwasyon.


Ito ngayon ang ating pinagtutuunan ng pansin bukod sa tulong na ating dinadala ay tinitingnan din nating ang mga nawasak na imprastruktura para mabigyang-prayoridad na maisapaayos sa pamamahala ng Department of Public Works and Higways (DPWH).


Noong nakaraang linggo ay binalikan natin ang maraming barangay pa sa lalawigan ng Cavite tulad ng Barangay Poblacion 1, Ternate dahil isa ito sa mga hindi pa rin nakakaahon sa sitwasyon hanggang sa kasalukuyan.


Tinungo rin natin ang Barangay Habay 1 at 2 sa Bacoor City na lahat ay binigyan natin ng Family Food Packs at relief packs na bahagi ng regular na BAYANIHAN RELIEF operations na isinasagawa natin sa mga biktima ng mga kalamidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Kahapon ay muli na naman tayong nag-ikot sa isa mga grabeng nasalanta rin na hanggang ngayon ay marami pang barangay ang lubog pa rin sa putik at hindi pa rin makapamuhay ng ayon sa nakasanayan nilang pamumuhay.


Bandang alas-7:30 ng kahapon ng umaga ay agad nating tinungo ang Sta. Cruz, Laguna at sinalubong tayo ng kanilang Mayor na si Egay San Luis, na siyang umalalay sa amin para marating ang mga lugar na naapektuhan sa naturang lugar.


Dumiretso kami sa Unisun parking lot sa Barangay Santisima Cruz, Sta. Cruz, Laguna at doon ay nadatnan namin ang libu-libong residente na karamihan ay nawalan ng tahanan at hanggang ngayon ay nagtitiis pa rin ang karamihan sa mga evacuation center.


Hindi magkamayaw ang mga residente habang iniaabot namin ang mga Family Packs at relief packs na lahat ay tuwang-tuwa dahil malaking tulong umano ito para maitawid nila ang gutom na kanilang nararanasan dahil maging ang kanilang paghahanapbuhay ay naapektuhan.


Kasunod nito’y nagsagawa tayo ng inspeksyon sa Barangay Santisima Cruz na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin humuhupa ang tubig at napakaraming kabahayan ang nakalubog pa rin sa baha at bibigyan natin ng prayoridad na magawan ng paraan para maalis ang napakalawak na baha.


Marami kasing residente sa naturang barangay ang nagkakasakit na dahil sa nakapondo na ang tubig sa napakahabang panahon na pinagmumulan ng dengue, leptospirosis at iba pang sakit kaya bilang Chairperson ng Senate Committee on Public Works ay ilalapit natin sa DPWH na ayusin ito sa lalong madaling panahon.


Bandang alas-9:45 ng umaga ay dumiretso naman kami sa Calamba at doon ay sinalubong kami ni Mayor Ross Rizal at Cong. Cha Hernandez na siya namang nagsama sa amin sa mga barangay na bibigyan ng tulong.


Libu-libong residente ang dinatnan naming naghihintay sa LCC Auditorium-Calamba Elementary School Central 2, Barangay 5 ng lugar na nabanggit at lahat ay binigyan namin ng Family Food Packs at relief packs na labis na ikinatuwa ng mga residente.


Isinunod naman naming pinuntahan ang Binan, Laguna kung saan naging punong abala si Mayor Arman Dimaguila, Jr. ay ang kanilang Vice Mayor na si Gel Alonte na silang nagsama sa amin sa mga kababayan nating biktima pa rin ng nagdaang bagyo.


Nagsisigawan ang mga tao nang magtungo kami sa Alberto Mansion sa Barangay Poblacion ng Binan at doon ay muli kaming namahagi ng Family Food Packs at relief packs na isang napakalaking tulong umano sa mga residenteng hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabangon sa sitwasyon.


Bandang alas-12: 00 ng tanghali ay nagpahinga ang buong team at kumain ng tanghalian bago nagtungo sa San Pedro City Hall at doon ay sinalubong naman kami ni Mayor Art Mercado.


Agad kaming nagtungo sa evacuation center ng Barangay Rosario ng naturang lugar at doon ay dinatnan namin ang kaaba-abang kalagayan ng mga residente kaya muli ay namahagi tayo ng libu-libong Family Food Packs at relief packs.


Kahapon, ng bigyan tayo ng pagkakataong magsalita sa bawat lugar na ating pinuntahan ay inanunsyo natin—na inaanyayahan silang makilahok sa darating na AMAZING PAMASKO NI POGI kung saan tayo ay mamamahagi ng samu’t saring regalo.


Mag-like lang sila sa ating Facebook Page: Ramon Bong Revilla, Jr. at abangan lang ang mga detalye na ipo-post kung paano makakasali at makikisaya sa ating Paskuhan na siksik, liglig at umaapaw sa papremyo.


Panalangin nating sa kabila ng pinagdaanan ngayong taon ay maging masaya at manigo pa rin ang ating Pasko at sana ay maraming nasalanta ang manalo ng ipamamahagi nating papremyo.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page