top of page
Search
  • BULGAR

Aasa sa Classification Phase ang Gilas vs. South Sudan

ni Anthony E. Servinio @Sports | August 31, 2023




Mga laro ngayong Huwebes:

4 p.m. Angola v. Tsina (Araneta)

8 p.m. Timog Sudan v. Pilipinas (Araneta)


Sarado na ang pinto ng Round 2 ng 2023 FIBA World Cup para sa Gilas Pilipinas subalit gagawin nila ang lahat upang makamit ang mailap ng unang panalo sa Classification Round ngayong araw sa Araneta Coliseum. Mahalaga ito sa layunin na makapasok ang bansa sa 2024 Paris Olympics bilang numero unong koponang Asyano.


Nakatakdang maglaro ang Gilas laban sa Timog Sudan na pumangatlo sa Grupo B na may 1-2 panalo-talo. Susundan ito ng tapatan sa kulelat ng Grupo B Tsina sa Sabado sa parehong palaruan.


Pilit kakalimutan ng mga Pinoy ang mga sunod-sunod na talo sa Grupo A sa Dominican Republic (81-87), Angola (70-80) at ang pinakahuli sa Italya noong Martes ng gabi, 83-90.


Lumalabas na sina Jordan Clarkson, AJ Edu at Dwight Ramos ang mga maaasahan ayon sa mga numerong itinala nila sa tatlong laro at sila muli ang napipisil na bumuhat sa koponan.


Pinakamalaking karibal ng mga Pinoy ang co-host Japan, ang nag-iisang Asyano na nakatala ng tagumpay sa group stage – 98-88 kontra Finland noong Agosto 27 sa Okinawa Arena. Ang iba pang mga Asyano – Iran, Lebanon, Tsina at Jordan – ay parehong nasa ilalim ng kani-kanilang mga grupo.


Kung hindi papalarin, may pagkakataon pa ang Gilas na mapabilang sa Olympics kung lalahok sila sa mga Olympic Qualifying Tournament. Dito ay makalalaro nila pati ang mga koponan galing ng ibang kontinente para sa huling apat sa 12 upuan sa torneo.

Kahit tanggal na rin sila sa Round 2, pasok pa rin ang Pransiya bilang host. Pitong tiket ang igagawad sa katapusan ng World Cup – tig-dalawa para sa Europa at Amerika at tig-isa para sa Asya, Aprika at Oceania.


0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page