Aarestuhin, pumalag.. Suspek sa ambush kay Gov. Adiong, utas

ni Jeff Tumbado | May 6, 2023

Todas ang isang lalaki na sinasabing “prime suspect” sa tangkang pagpatay kay Lanao Del Sur Gov. Mamintal 20 Adiong, Jr., makaraan itong makipagbarilan sa mga awtoridad sa Maguing, Lanao Del Sur.
Ito ang kinumpirma ng Criminal investigation and Detection Group sa isang pahayag kung saan pinangalanan ang napaslang na suspek na si Oscar “Tacmar” Capal Gandawali.
Ayon kay PNP-CIDG chief Police Brigadier General Romeo Caramat, Jr., isisilbi sana ang arrest warrant kay Gandawali nitong madaling araw ng Huwebes sa bahay nito sa Bgy. Pilikmonan subalit bigla umano silang sinalubong ng bala.
Dito na umano gumanti ng putok ang mga awtoridad kung saan makaraan ang nasa 20 minuto ay napatay ang suspek.
Nasugatan sa engkuwentro ang chairman ng Barangay na si Gamon Manonggiring at isang sundalo na ngayon ay nasa ligtas nang kondisyon at nagpapagaling sa ospital.
Kabilang umano sa mga narekober na armas ni Gandawali ay isang caliber 9mm pistol, samu't saring buhay na amunisyon at may nakuha ring shabu sa bahay nito.
Napag-alaman kay Caramat na ang grupo ni Gandawali ang nasa likod ng pananambang at pagpatay sa limang miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong 2018.
Si Gandawali ang itinuturing na lider ng criminal gang na gun-for-hire, gunrunning, robbery/hold-up at sangkot din sa malawakang kalakalan ng droga sa probinsya at kalapit lugar nito.
Isa rin umano ang grupo ni Gandawali sa nagpopondo at supporter ng ISIS-linked terrorist group sa lalawigan.
Nitong Pebrero 17, 2023 nang tambangan ni Gandawali ang convoy ni Gov. Adiong sa
Kalilangan, Bukidnon kung saan apat sa security personnel at staff nito ang napatay habang sugatan naman ang naturang opisyal at dalawa pang tauhan nito.
Nakilala ang mga nasawi na sina Police Staff Sergeant Mohammad Jurai Mipanga Adiong, 40; Police Corporal Johanie Lawi Sumandar, 39; Police Corporal Jalil Ampuan Cosain, 40, at driver na si alyas Kobi.
Isa naman sa kasamahan ni Gandawali ang napatay sa follow-up operations.





Comments