top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Aabuso sa presyo ng bilihin sa mga lugar na apektado ng oil spill, tuluyan!

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 23, 2023
1 min read

@Editorial | March 23, 2023


Ipinag-utos na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pag-freeze ng mga presyo ng pangunahing bilihin sa mga lugar na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro.


Ayon sa ahensya, epektibo ang price cap sa Pola, Naujan, Pinamalayan, Gloria, Bansud, Bongabong, Roxas, Mansalay at bayan ng Bulalacao sa Oriental Mindoro, na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa oil spill.


Saklaw sa price freeze ang canned fish at iba pang marine products, processed milk, coffee, laundry o detergent soap, candles, bread, iodized salt, instant noodles at bottled water.


Babala ng DTI, mahaharap sa pagkakakulong ng isa hanggang 10 taon o multa na aabot sa P5,000 hanggang P1 milyon o pareho, ang lalabag sa umiiral na price freeze.


Kaya sa mga nagbabalak na samantalahin ang pagkakataon, huwag n’yo nang ituloy. Maawa kayo sa mga kababayan nating naghihirap dahil sa oil spill.


Hindi lang hanapbuhay ang nalagay sa alanganin kundi maging ang kanilang kaligtasan.


Tiyak na problema nila kung paano maitatawid ang bawat araw na may maayos na makakain ang kani-kanilang pamilya.


Kaya itong ipinatutupad na price freeze, kahit paano ay nakakabawas na rin sa alalahanin ng mga residenteng apektado ng oil spill. Batid na nila kung paano pagkakasyahin ang budget na mayroon sila.


Panawagan naman sa mga awtoridad, siguruhing hindi maaabuso ang mga mamamayan. Sakaling may mahuli na hindi sumusunod sa price freeze, tuluyan agad.


Batid naman natin na tuwing may ganitong pagkakataon, may mga tao talaga na walang puso. Sa halip na tumulong sa kapwa, lalo pa silang pinahihirapan, makonsensya naman kayo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page