Aabot pa ng 2-M ang COVID-19 cases sa ‘Pinas
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 28, 2021
GANADO SI P-DUTERTE KAPAG PULITIKA ANG TOPIC—Sa loob ng linggong ito ay dalawang beses humarap sa IATF (Inter-Agency Task Force) meeting si P-Duterte, at sa unang pagharap mas mahabang oras ang ginugol niya sa ibinida niyang tatakbo siyang VP, at sa ikalawang pagharap, na kapag naging VP siya ay io-audit niya ang kinamumuhian niyang Commission on Audit (COA).
‘Yan ang pangulo ng ‘Pinas, kapag pulitika ang topic ay ganadung-ganado, pero pagdating sa diskarte sa laban sa COVID-19 ay ipinauubaya na lang kay Health Sec. Francisco Duque III, buwisit!
◘◘◘
KUNG PAGBABASEHAN ANG DATOS NG WHO, PALPAK ANG TUGON NG DUTERTE GOV’T. SA LABAN SA COVID-19—Ang datos na ‘yan ng WHO, na pang-21 sa mundo ang Pilipinas sa dami ng COVID cases and deaths, number 2 sa ASEAN at number 1 sa Western Pacific Region ay pagpapatunay na palpak ang tugon ng Duterte gov’t. sa laban sa COVID-19.
Kaya ‘yung madalas na ilabas ng Pulse Asia at Publicus Asia na rating na kesyo mahusay ang tugon ng Duterte gov't. sa laban sa COVID-19 ay fake news ‘yun, boom!
◘◘◘
COVID-19 CASES SA ‘PINAS, PAPALO NA SA 2-M—Ayon sa OCTA Research Group kung hindi makokontrol pananalasa ng virus ay sa loob ng dalawang linggo ay papalo na sa dalawang milyon COVID-19 cases sa Pilipinas.
Ito ang madalas na payo ng mga health experts para makontrol pananalasa ng COVID-19: una, mass testing pero ayaw gawin, hindi puwedeng i-testing lahat ng Pilipino gayung ang payo ay sa community lang na may kaso ng COVID-19 mag-testing (baka ayaw lang gumastos kasi P5-K gastos kada tao sa RT-PCR test); pangalawa, contact tracing (problema, wala na raw budget pang-contact tracing); at pangatlo, bakuna (ang problema, makupad sa pag-angkat ng COVID-19 vaccines).
Kaya’t kung ang payo ng mga health experts ay hindi pa gagawin ng pamahalaan, asahan na, makalipas ang dalawang linggo ay nasa dalawang milyon o higit pa COVID cases sa ‘Pinas, nakupo!





Comments