MRT-3 train, binaboy, mga empleyado damay
- BULGAR
- May 13, 2021
- 1 min read
ni Lolet Abania | May 13, 2021

Pinaghahanap na ngayon ng pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang suspek sa bandalismo sa isa sa kanilang mga tren nitong Miyerkules.
“Nakakagalit kasi pare-pareho tayong stakeholders dito. Ang ginamit na pera dito sa pag-aayos ng MRT ay pera ng bayan. Nakakapanlumo kasi... pagod ang ibinuhos dito ng ating mga kasamahan, ‘yung mga naglilinis ng tren, security,” ani Eymard Eje, officer-in-charge at general manager ng MRT-3.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, ang hindi nakilalang suspek ay walang takot na umakyat sa fence ng MRT track sa pagitan ng Magallanes at Taft Avenue stations nu'ng Miyerkules nang gabi.
Nakahinto pa ang tren nang sandaling iyon habang naghihintay na umandar ang nasa unahan nitong tren.
Hindi napansin ng train operator at marshals na mayroon na palang nag-spray ng pintura sa nasabing tren, kaya dinala ito sa MRT-3 depot matapos na isang concerned citizen ang nagpabatid sa security guard hinggil sa ginawang bandalismo.
Ayon kay Eje, napilitan naman ang mga MRT-3 personnel na manatili sa kanilang trabaho kahit na lagpas na sila sa oras upang maimbestigahan ang insidente.
“Nakakapagod talaga kasi extra-trabaho sa tauhan natin,” ani Eje.
Ito na ang ikalawang insidenteng nangyari sa train line ng MRT sa loob ng isang linggo. Noong Lunes, dalawang pasahero ang bumaba sa train track mula sa platform sa Quezon Avenue station upang makapag-selfie ang mga ito.








Comments