top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

97.5% ng public schools, nagpatuloy na ng full F2F classes – DepEd

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 7, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | November 7, 2022



Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) na nasa 97.5% ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa ang nagpatuloy o nag-resume na ng implementasyon ng 5-araw na face-to-face classes.


Sinabi ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa na 2.36% ng mga public schools ang pinayagan sa ngayon na magsagawa ng blended learning. Ilan sa mga naturang paaralan, aniya ay mga apektado ng hagupit ng Severe Tropical Storm Paeng na may international name na Nalgae.


Simula Nobyembre 2, lahat ng public schools ay may mandato na magbalik na sa full in-person classes, maliban sa mga pinagkalooban ng exemptions.


Habang ang mga private schools naman ay maaaring magsagawa alinman dito, ang 5-araw na face-to-face classes, isang blended learning modality, o kaya ay full distance learning.


“Nakita naman po natin na naging maayos naman po ang pagre-resume natin ng classes. Wala naman tayong major incidents, although siyempre meron pa rin tayong affected schools dahil sa Typhoon Paeng,” ani Poa sa isang press conference ngayong Lunes.


Ayon kay Poa, nasa tinatayang 324 paaralan ang nagkaroon ng infrastructure damage dahil sa Bagong Paeng. Mayroon namang 435 eskuwelahan sa buong bansa ang ginagamit pa rin bilang evacuation centers. Gayunman aniya, ang DepEd sa ngayon ay nakikipag-ugnayan na sa mga local government units (LGUs) para mabakante sa madaling panahon ang mga naturang paaralan.


“Nakapag-download naman tayo ng cleanup funds, as well as funds for the necessary TLS (temporary learning spaces) that we have to put up in these areas,” sabi ni Poa.


Samantala, ini-report naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes na nasa 951 evacuation centers ang kasalukuyang tinutuluyan ng 108,791 displaced individuals o 27,001 mga pamilya, habang 920,586 katao o 326,456 mga pamilya, ang nananatili sa labas ng mga evacuation centers.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page