- BULGAR
95 bagong kaso ng Omicron subvariant BA.5
ni Lolet Abania | August 5, 2022

Nakapagtala ng 95 pang kaso ng Omicron subvariant BA.5 na na-detect sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Biyernes.
Sa press briefing, ini-report ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na 67 BA.5 cases ay nagmula sa Region 11, 25 mula sa Region 12, at tig-isa mula sa Region 10, Caraga, at National Capital Region (NCR).
Ayon kay Vergeire, 52 sa mga kaso ay fully vaccinated, habang tatlong pasyente ay hindi pa nabakunahan. Habang ang vaccination status ng mga natitirang mga indibidwal ay bineberipika pa.
Gayundin, sinabi ni Vergeire na bineberipika pa ang exposure ng mga indibidwal, travel histories, at health status nito.