93 customers na nag-party sa bar at mga empleyado, arestado
- BULGAR

- Sep 26, 2020
- 1 min read
ni Lolet Abania | September 26, 2020

Arestado ang 93 kostumer, kabilang dito ay mga dayuhan, at mga empleyado ng isang bar na nagpa-party sa Tomas Morato, Quezon City nitong hatinggabi ng Biyernes.
Ayon sa hepe ng Kamuning Police Station na si P/Lt.Col. Noli Abalos, nakatanggap sila ng impormasyon na maraming nag-iinuman sa isang bar sa Quezon City kung saan lagpas na sa itinakdang curfew ng lungsod.
Agad na nagpatrolya ang pulisya sa lugar at napansin nila ang maraming nakaparadang sasakyan. Sinalakay ng awtoridad ang bar at maraming tao sa loob nito na halos walang sinunod sa ipinatutupad na health at safety protocols.
Mahaharap ang mga nahuling customers at empleyado sa patung-patong na reklamo tulad ng mga paglabag sa ordinansa ng curfew, liquor ban, physical distancing, hindi pagsusuot ng face mask at face shield at mass gathering.
“Makinig tayo sa protocol. Alam naman natin na bawal. Antayin natin kung kailan mag-go ang gobyerno. Ang dami na natin na infected ng COVID,” sabi ni Abalos.
Dinala ang mga naaresto sa Barangay South Triangle covered court subali’t pinauwi rin matapos na pagsabihan at matikitan.
Pinag-aaralan ding sampahan ng kaso ang may-ari ng naturang bar dahil sa insidente.
Patuloy naman ang pakiusap ng awtoridad sa lahat na sumunod sa health at safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng Coronavirus.





Comments