92% teaching at non-teaching personnel, fully vaxxed na kontra-COVID – DepEd
ni Lolet Abania | August 21, 2022

Nasa 92 porsiyento ng teaching at non-teaching personnel ang nakakumpleto na ng kanilang primary vaccine series laban sa COVID-19, ayon sa Department of Education (DepEd) ngayong Linggo. Sa isang radio interview, ipinahayag ni DepEd spokesperson Atty. Michael Poa na ipapatupad nila ang isang No Discrimination Policy sa mga paaralan, at papayagan ang mga guro at mga estudyante na lumahok sa face-to-face classes sa kabila ng kanilang vaccination status.
“This is because ang national vaccination program ay hindi mandatory,” giit ni Poa.
Batay sa records ng DepEd, sinabi ni Poa na mahigit sa 90% ng teaching at non-teaching ay fully vaccinated na sa ngayon. Aniya, kukuhanin pa rin nila ang impormasyon kung ilan sa naturang bilang ang nakatanggap naman ng kanilang booster doses. Una nang inanunsiyo ni DepEd Undersecretary Atty. Revsee Escobedo na kahit na mga hindi pa bakunadong mga guro ay papayagan na nila ngayong magturo sa mga classrooms sa pagbabalik ng face-to-face classes sa Agosto 22. Sa bahagi naman ng mga learners, nai-report ni Poa nitong Biyernes na 19% lamang sa kanila ang mga fully vaccinated na laban sa coronavirus disease. Binanggit din ni Poa na ang mababang figure ng COVID-19 vaccination program ng gobyerno ay dahil aniya hindi ito mandatory. Payo nito sa mga estudyante, mga guro, at mga magulang na ang COVID-19 ay nandidito pa rin, kaya dapat na sumunod sa minimum public health standards sa lahat ng oras.
“Naatasan natin ang ating mga school officials na talagang strict tayo sa observance ng minimum health and safety standards natin,” sabi pa ni Poa. Kaugnay nito, ang DepEd ay nakikipag-ugnayan na sa Department of Health (DOH) para sa roll out ng mobile COVID-19 vaccinations at nag-organize na rin ng counseling sessions sa mga unvaccinated learners at mga titser ng mga paaralan.





Comments