- BULGAR
9 patay sa gastroenteritis dahil sa maruming tubig sa Iloilo City
ni Lolet Abania | September 6, 2022

Nasa tinatayang siyam na indibidwal ang nasawi sa gastroenteritis sa Iloilo City dahil ito sa maruming suplay ng tubig, ayon sa alkalde ng lungsod.
Sa kanyang interview ngayong Martes, sinabi ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas na halos 400 katao na ang nakaranas ng gastroenteritis matapos na makainom ng maruming tubig.
“Well, nine ang namatay. Some are in the hospital. ‘Yung iba naka-recover na.
Tinatamaan ng severe those who are babies and seniors,” pahayag ni Treñas.
Ayon kay Treñas nasa kabuuang 29 water refilling stations ang isinara makaraang nai-report ang mga insidente. Nasa tinatayang 3,000 mula sa 10,000 shallow wells o balon sa lugar ang kanilang ring nainspeksyon na.
“Madumi na tubig galing sa mga shallow well. Sa ngayon nakita namin na may mga water refilling stations na hindi compliant sa health protocols… Ang problema may mga water refilling station na walang bagong water potability tests,” paliwanag ng mayor.
Sinabi pa ni Treñas, tinututukan na ng mga awtoridad ang problema lalo na’t ang mga estudyante sa ngayon ay nagbalik na sa face-to-face classes sa mga paaralan.
Batay sa report ng GMA News, may 354 kaso ng gastroenteritis sa lungsod, kung saan 191 ang nakarekober, 94 ang nananatili sa ospital, at 61 ang inoobserbahan pa rin.
Gayundin, sa 19,000 balon sa lungsod, 10,885 ang nasuri at 541 ang chlorinated na. Habang nasa 188 lamang ng 241 water refilling stations ang tapos nang i-check.