top of page

88K deboto, dumagsa sa Walk of Faith ng Itim na Nazareno

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 8, 2023
  • 2 min read

ni Lolet Abania | January 8, 2023



Nasa tinatayang 88,000 deboto ang dumalo sa kauna-unahang Walk of Faith sa Maynila bago pa magmadaling-araw ngayong Linggo bilang bahagi ng mga aktibidad ng Kapistahan ng Itim na Nazareno, ayon sa Quiapo Church Command Post (QCCP).


Nagsimula ang paglakad mula Quirino Grandstand sa Luneta Park ng 1:30AM at nagtapos makaraan ang 2 at kalahating oras nang dumating na ang mga deboto sa Minor Basilica ng Itim na Nazareno o mas kilala sa tawag na Quiapo Church.


Isinagawa ang Walk of Faith sa halip na ang tradisyunal na Traslacion, ang mahabang prusisyon na dala ang imahe ng Itim na Nazareno sa gitna ng COVID-19 pandemic.


Taun-taon ay ginagawa ang Traslacion upang gunitain ang paglipat ng Black Nazarene replica mula sa Intramuros sa Quiapo Church na naganap taong 1767, kung saan dinadaluhan ng halos 3 milyong deboto, subalit nakansela ito simula 2020 dahil sa pandemya.


Sa kabila na ang imahe ng Itim na Nazareno ay hindi bahagi ng Walk of Faith ngayong Linggo, ilang mga deboto ang nagdala naman ng mga Nazareno statues at larawan.


May bitbit din ang mga deboto na mga kandila, at hawak-hawak nila ang mga ito sa kabuuan ng kanilang paglalakad habang umaawit ng mga worship songs at nagdarasal.


Ang iba naman na naghihintay sa gilid ng kalsada ay nag-display ng mga imahe ng Itim na Nazareno habang nagbigay-papuri sa Nazareno.


Ayon kay Fr. Earl Valdez ng Quiapo Church at isa sa mga opisyal para sa mga aktibidad ng Nazareno 2023, patunay lamang na ang ginanap na Walk of Faith ay naging matagumpay.


“Those who participated in the Walk of Faith seem to have gotten the point and meaning of the activity, and embraced it wholly,” pahayag ni Fr. Valdez.


Sinabi rin ni Police Captain Rowell Robles, commanded ng Plaza Miranda, na ang sapat na preparasyon at panuntunan na inilatag ang nagbigay-daan para sa isang ligtas at mapayapang pagsasagawa ng Walk of Faith.


“Base po sa paghahanda na ginawa natin sa agency, nasunod naman po lahat ng dapat gawin,” sabi ni Robles.


“Sa tulong-tulong, maayos po at matiwasay na natapos ang aktibidad,” dagdag ni Robles.


Kaugnay nito, ilang mga kalsada sa Maynila ang isinara simula noong Enero 6 para sa mga gagawing aktibidad ng Kapistahan ng Itim na Nazareno. Ang road closures ay epektibo hanggang Enero 9.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page