844 editors sa Filipino-rehiyon 5, dumalo sa webinar sa OP at MMP
ni Fely Ng - @Bulgarific | May 19, 2021
Hello, Bulgarians! Dinaluhan ng humugit-kumulang 844 kalahok mula sa 13 Dibisyon ng Rehiyon 5 ang idinaos na Webinar sa Ortograpiyang Pambansa at Manwal sa Masinop na Pagsulat noong 28-29 Abril 2021. Ang mga kalahok ay kinabibilangan ng mga Editor, manunulat at gurong nag-e-edit ng mga modyul na binubuo ng iba’t ibang Learning Areas tulad ng Araling Panlipunan (AP), Music, Arts, Physical Education at Health (MAPEH), Edukasyon sa Pagpapakatao (ESP), at Edukasyong Pantahanan at Pangkabuhayan (EPP) at iba pang manunulat at editor ng mga kagamitang pampagtuturo na ang midyum na ginamit ay wikang Filipino.
Nagbigay ng mensahe ang mga opisyal ng Panrehiyong Kagawaran ng Edukasyon tulad nina Dr. Socorro V. Dela Rosa; Tagapamanihala, Lungsod Tabaco; Dr. Gilbert T. Sadsad, Panrehiyong Direktor, Rehiyong Bikol; Dr. Ranilo Al K. Firno, Kawaksing Panrehiyong Direktor, Rehiyong 5 at Francisco B. Bulalacaw Jr., Puno ng CLMD.
Sa unang araw, tinalakay ni G. Roy Rene Cagalingan, Senior Language Researcher ng Sangay ng Araling Kultural at Literatura, ang paksang Ortograpiyang Pambansa at ang Masinop na Pagsulat ay tinalakay naman ni Dr. Jose Evie Duclay ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa ikalawang araw ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Naging malaking oportunidad at kaalaman sa mga kalahok na nag-e-edit ng mga module at kagamitang pampagtuturo sa iba’t ibang learning areas na ang midyum ng pagtuturo ay Filipino hinggil sa Ortograpiyang Pambansa para sa estandardisasyon ng pagbaybay, gamit ang Alpabetong Filipino. At ang kahalagahan ng masinop na pagsulat sa Filipino na maaaring gabay nila sa pag-e-edit tungo sa intelektuwalisasyon ng wika. Masigla ang partisipasyon ng mga kalahok sa malayang talakayan at pagsasanay.
Sa ikalawang araw bago matapos ang webinar, pinamunuan naman ni Komisyoner Carmelita Abdurahman, Fultaym Komisyoner ng KWF ang Panunumpa sa Katungkulan ng mga opisyal ng nabuong Panrehiyon at Pansangay na Lupon sa Editor. Layunin nitong mapalakas ang ugnayan at network ng mga editor sa Rehiyon 5 at sa KWF tungo sa maayos at nagkakaisang pagtugon sa mga isyu at suliraning pangwika at pagpapaunlad ng Filipino.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.





Comments