81,888 preso, pinalaya habang may lockdown
- BULGAR

- Oct 25, 2020
- 1 min read
ni Lolet Abania | October 23, 2020

Umabot sa 81,888 preso ang pinalaya habang nakararanas ang bansa ng pandemya ng COVID-19.
Sa naganap na virtual press briefing kanina, inanunsiyo ni Supreme Court (SC) Chief Justice Diosdado Peralta na nakapagpalaya na ang pamahalaan ng mahigit sa kalahati ng kabuuang bilang ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa pamamagitan ng online hearings na sinimulan noong March 17 hanggang October 16.
Ayon kay Peralta, may ilang requirements pa bago sila tuluyang makalaya, subalit 19,173 inmates na ang nakapag-bail at binawasan ang kailangang ibigay na piyansa o recognizance. Ang iba naman ay pinawalang-sala.
May mga kaso ring na-dismissed at hinatulan na lamang na magsilbi ng minimum o maximum penalty at nasa ilalim ng probation kaya napalaya.
Gayundin, sa parehong petsa, 880 children in conflict with the law (CICL) ang pinalaya sa pamamagitan ng video conference hearings. Matatandaang noong kasagsagan ng pandemya ng COVID-19, ipinasara ni Peralta ang lahat ng korte sa buong bansa upang maiwasan ang transmission ng virus.
Ipinatupad ang online platforms para sa mga prosesong ginagawa sa korte kabilang ang mga pagdinig, pag-file ng pleadings at posting ng bail.
Inaprubahan din ng SC ang pagsasagawa ng videoconferencing sa mga hearings para sa mga maysakit na detainees subali’t marami ang naantala sa pagdinig ng korte dahil sa naranasang problema sa internet sa iba’t ibang lugar.
Dagdag ni Peralta, mahigit sa 110,000 videoconferencing hearings ang naisagawa mula May hanggang October, kung saan karamihan dito ay may kasong kriminal. Mahigit ding 43,000 ang naging arraignment at pre-trial stage at lagpas sa 40,000 kaso naman ang umabot sa paglilitis ng korte online.





Comments