8 tirador ng ML Lhuillier pawnshop, tiklo
- BULGAR

- 2 days ago
- 1 min read
ni Mervin Reyes @News | September 6, 2026

Photo: File / Circulated
Arestado ang walong hinihinalang magnanakaw matapos mapigilan ang tangkang pagpasok sa isang pawnshop sa Santa Ignacia, Tarlac, nitong Biyernes, Setyembre 4.
Ayon sa Tarlac Police Provincial Office, nakatanggap ang Tactical Operations Center ng 911 call tungkol sa tumunog na security alarm sa ML Lhuillier pawnshop sa Brgy. Poblacion West, alas-10:30 ng umaga.
Nakita ng mga rumespondeng pulis ang maliit na butas sa sahig malapit sa roll-up door, na pinaniniwalaang ginawa upang makapasok. Gumamit umano ang mga suspek ng drainage canal bilang lagusan at mga kasangkapan sa pagbubutas.
Sa hot pursuit operation, limang lalaki ang nahuli habang tumatakas sa drainage canal. Nakumpiska sa kanila ang improvised firearm, dalawang hand grenade, pressure jack, hacksaw, dalawang crowbar, metal chisel at limang sachet ng hinihinalang shabu.
Itinuro ng lima ang tatlo nilang kasamahan na naghihintay sa Romulo Highway sa Brgy. Poblacion East sakay ng Elf truck. Nahuli rin ang tatlo at narekober ang trak, isang hand grenade, tatlong sachet ng hinihinalang shabu at rifle grenade.
Pinuri ni TPPO Director Col. Harry Lorenzo III ang mabilis na responde ng mga pulis at ang concerned citizen na agad nag-report sa security alarm.





Comments