top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Saint Clare, sumalo sa liderato ng NAASCU Seniors basketball

BULGAR
Jun 1, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | June 1, 2022



Nakibahagi sa maagang liderato ng 20th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) Seniors Basketball Tournament ang defending champion Saint Clare College of Caloocan at Our Lady of Fatima University matapos ang magkahiwalay na panalo Lunes sa Novadeci Convention Center sa Novaliches. Gumawa rin ng ingay ang Enderun Colleges sa una nilang laro sa torneo at pinatahimik ang Manuel L. Quezon University, 76-61.

Parehong may kartadang 2-0 ang Saints at Phoenix na tinambakan ng husto ang mga kalaro. Panalo ang Saint Clare sa Technological University of the Philippines, 88-62, at tagumpay ang Fatima sa AMA University, 68-52.

Mabagal ang simula ng Phoenix at 9-6 lang ang kanilang lamang sa pagwakas ng first quarter. Subalit biglang ginanahan ang Fatima at unti-unting giniba ang Kings hanggang naitayo ang 59-46 na lamang at mahigit 3 minuto pa sa orasan.

Bumida sa ikalawang sunod na laro si Marvel Jimenez na may 13 puntos. Halimaw sa depensa si Kobi Davis na nagtapos na may 9 na puntos, 11 rebound at 7 supalpal.

Itinatak ng Saints ang kalidad sa Gray Hawks na hanggang 2-0 lang ang natamasang lamang. Walang awang tinakbuhan ng Saint Clare ang kalaro para sa 66-25 lamang sa 3rd quarter at sumapat ito sabay paglaro ng maingat sa 4th quarter para sa ikalawang tagumpay.

Nanguna sa Saint Clare si Johnsherick Estrada na may 14 puntos. Sumunod si kapitan John Edcel Rojas na may 12 puntos habang anim na iba pang kakampi ay nagdagdag ng anim o higit pang puntos.

Lalaruin ang ikatlong araw ng NAASCU ngayong Miyerkules sa Novadeci muli simula 2 p.m. sa laban ng Philippine Christian University at Enderun. Susundan ito ng MLQU at Saint Clare sa 3:30 habang ang AMA at TUP ang tampok na laro sa 5 p.m.


Mga laro ngayong Miyerkules – Novadeci Convention Center 2:00 PM PCU vs. Enderun; 3:30 PM MLQU vs. St. Clare; 5:00 PM TUP vs. AMA.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page