8 patay, 3 pa nawawala dahil kay ‘Karding’ – NDRRMC
ni Lolet Abania | September 27, 2022

Umabot na sa walo ang naiulat na nasawi habang 3 pa ang nawawala dahil sa Super Bagyong Karding, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes.
Sinabi ng NDRRMC na sa walong nai-report na namatay, lima rito ay rescuers na nalunod matapos na mabagsakan ng pader ang kanilang bangka sa San Miguel, Bulacan.
Ayon sa NDRRMC, ang dalawang nadagdag na nasawi ay mula sa Zambales at isa ang naitala sa Quezon, subalit ang mga naturang reports ay kanila pang bineberipika.
Gayundin, may tatlo pang nawawalang indibidwal na naiulat sa Mercedes, Camarines Norte.
Batay sa kanilang 8AM report, sinabi ng NDRRMC na may kabuuang 60,817 katao o 16,476 pamilya ang apektado ng hagupit ng Bagyong Karding.
Anang ahensiya, nagmula ang mga indibidwal sa 948 barangay sa Ilocos Region, Cagayan, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Mula sa kabuuang apektadong populasyon, 46,008 indibidwal o 12,352 pamilya ang nananatili sa loob ng 976 evacuation centers, habang 5,803 katao o 1,648 pamilya naman ang nanunuluyan muna sa iba pang lugar.
SInabi rin ng NDRRMC na may kabuuang 49,092 katao o 13,129 pamilya ang isinailalim sa preemptive evacuation dahil sa bagyo.
Samantala, may kabuuan namang P1,625,862 halaga na ng assistance ang naibigay sa mga residente sa Cagayan, Central Luzon, Bicol, at Cordillera, ayon pa sa NDRRMC.





Comments