Negosasyon, tumagal ng 8 oras… Asawa at 3 anak ni Negros Oriental Mayor Truita, hinostage
ni Lolet Abania | August 28, 2022

Hinostage ang asawa at mga anak ni Dauin, Negros Oriental Mayor Galicano A. Truita nitong Sabado ng umaga, ito ang kinumpirma ng Provincial Police Office.
Ayon kay Provincial Director P/Col. Jonathan Pineda, ang driver ng mayor na kinilalang si Venirando Dalope, 57, ang nang-hostage sa asawa ng alkalde na si Maricar Tuita at 3 pang miyembro ng pamilya sa loob ng kanilang tirahan sa Barangay Masaplod, Dauin, pasado alas-9:00 ng umaga nitong Sabado.
May hawak si Dalope na isang .45 caliber pistol habang tinatakot umano ang mga biktima.
Sinabi naman ni Dauin police chief Lt. Louie Bantoto na nakatanggap sila ng tawag sa telepono mula kay Mayor Truita, na nasa Maynila nang oras na iyon, at humihingi ng assistance sa nangyayari sa kanyang pamilya.
Agad na idinispatched ng pulisya ang negotiation team upang kausapin ang suspek.
Tumagal ang negosasyon ng mga awtoridad sa hostage-taker ng mahigit sa 8 oras matapos itong sumurender.
Sa ngayon, wala pang binanggit ang pulisya tungkol sa naging motibo ng suspek.
“The hostage crisis at the residence of Mayor Galic was properly managed by the PNP [Philippine National Police] personnel together with other government agencies. No one was hurt, both from the hostages and the hostage-taker. This is a manifestation of good collaboration among government agencies,” pahayag ni Pineda.
Ayon pa sa mga awtoridad, wala namang nasaktan sa mga biktima habang sasailalim sila sa psychological debriefing. Ang driver na nang-hostage sa pamilya ng alkalde ay pansamantalang nasa kustodiya na ng pulisya.





Comments