78-anyos na amo at maid, na-trap sa sunog, tigok
- BULGAR

- 8 hours ago
- 1 min read
ni Mervin Reyes @News | August 16, 2026

Photo courtesy: Galba Fire Rescue Volunteer Inc.
Patay ang isang 78-anyos na homeowner at edad 48 niyang kasambahay matapos ma-trap sa nasusunog na bahay sa Don Quijote St., Brgy. 480, Sampaloc, Maynila, Sabado ng madaling-araw.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, kapwa nawalan ng malay ang mga biktima dahil sa makapal na usok habang natutulog. Isinugod sila sa ospital ngunit kapwa idineklarang dead-on- arrival.
Nakatanggap ang BFP ng ulat tungkol sa sunog alas-12:58 ng hatinggabi. Itinaas ito sa unang alarma ala-1:02, idineklarang under control ala-1:23 at tuluyang naapula ala-1:32.
Ayon kay Brgy. 480 Chairman Carlito Cabunot, posibleng electrical problem ang pinagmulan ng sunog.
Agad umanong rumesponde ang mga barangay personnel at Barangay Public Safety Office gamit ang fire extinguisher, ngunit nahirapang makapasok sa bahay dahil sa makapal na usok at mga bakal na grills sa bintana.
Sinabi naman ng mga residente na narinig nila ang mga biktima na humihingi ng tulong bago tuluyang kumapal ang usok at lumakas ang apoy.
Dalawa lamang ang nasa loob ng bahay nang mangyari ang insidente dahil nasa labas ang pamilya ng homeowner.
Wala nang ibang residenteng nasugatan, ngunit ilang alagang aso rin ang namatay sa loob ng bahay.
Patuloy ang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog at kabuuang halaga ng pinsala.





Comments