top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

76ers at Kings, 2-0 na sa Playoffs vs. Nets at GSW

Writer: BULGAR
BULGAR
Apr 19, 2023
2 min read

ni Anthony E. Servinio @Sports | April 19, 2023




Tumalon sa 2-0 lamang sa kanilang seryeng best-of-seven ang Philadelphia 76ers at Sacramento Kings sa pagpapatuloy ng 2023 NBA Playoffs kahapon. Umulit ang 76ers sa bisitang Brooklyn Nets, 96-84, habang inipit ng Kings ang World Champion Golden State Warriors, 114-106.


Kumakapit ang Kings sa 107-103 lamang sa last 2 minutes at biglang bumanat ng buslo si Harrison Barnes na nasundan ng tres ni Davion Mitchell para sa 112-103 lamang at 1:12 sa orasan. Humigpit ang depensa at hindi na pumuntos ang Warriors bago ang three-points ni Klay Thompson sa huling 12 segundo na sinagot agad ng dunk ni Domantas Sabonis para sa huling talaan.


Ipinasok ni De’Aaron Fox ang 11 ng kanyang 24 puntos sa 4th quarter habang 24 puntos din si Sabonis. Nasayang ang 28 puntos ni Stephen Curry at napilitang laruin ng Warriors ang huling 7 minuto na wala si Draymond Green na pinalabas matapos niyang tapakan ang dibdib ng nakahigang si Sabonis.


Kumilos ang 76ers sa third quarter at binura ang 49-44 lamang ng Nets sa halftime.


Nagtulungan sina Tyrese Maxey at Tobias Harris para itayo ang 68-63 lamang at tinapos nina Joel Embiid at Maxey ang trabaho sa 4th quarter kung saan umabot sa 96-81 ang agwat bago ang huling minuto.


Uminit si Maxey para sa 33 puntos habang double-double sina Embiid na 20 puntos at 19 rebound at Harris na 20 puntos at 12 rebound. Sa Biyernes gaganapin ang Game 3 ng mga serye at lilipat ang aksyon sa tahanan ng Nets at Warriors na parehong iiwas na mabaon sa 3-0.


Samantala, napiling 2023 KIA Defensive Player of the Year si Jaren Jackson Jr. ng Memphis Grizzlies. Pinangunahan ni Jackson ang NBA na may 3.0 tapal na may kasamang 5.0 defensive rebound at 1.0 agaw sa loob ng 63 laro.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page