76 dayuhan, timbog sa scam hub

ni Mervin Reyes @News | October 14, 2026

Photo: 76 na dayuhan ang arestado sa operasyon ng Bureau of Immigration (BI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa hinihinalang POGO - BI
Arestado ang 76 na dayuhan sa operasyon ng Bureau of Immigration (BI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) laban sa hinihinalang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Brgy. Socorro, Cubao, Quezon City, noong Oktubre 12.
Kabilang sa mga nadakip ang 74 Chinese at dalawang Myanmar nationals na hinihinalang sangkot sa online scamming.
Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., nadatnan ng mga awtoridad ang mga dayuhan na nagsasagawa ng online scam nang salakayin ang pasilidad.
Sumasailalim na sa inquest proceedings ang mga suspek at posibleng ipatapon palabas ng bansa. Kapag nailabas ang deportation orders, ilalagay rin sila sa BI blacklist upang hindi na makabalik sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na magpapatuloy ang mga operasyon laban sa ilegal na POGO, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Anti-POGO Act of 2025.





Comments