722 bagong kaso ng Delta at Omicron subvariants
ni Lolet Abania | October 11, 2022

Nakapagtala ng 722 bagong Delta at Omicron subvariant cases ang Department of Health (DOH) na na-detect sa bansa.
Sa report na inilabas ngayong Martes, ayon sa DOH may 605 bagong kaso ng BA.5 Omicron subvariant na na-detect base sa sequencing results mula Oktubre 7 hanggang 10.
Nasa 93 naman ang nai-report na bagong Delta cases, habang ang isang kaso ay bineberipika pa.
Sinabi rin ng DOH na may 18 kaso ng BA.4 at limang BA.2.75 cases ang nai-record.
Ayon pa sa ahensiya, mayroong 680 cases ng ibang Omicron sublineages, gayundin 171 kaso ng “no assigned lineage” at isang kaso ng “other lineage assigned.”
Una nang hinimok ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire ang publiko na tanggapin na ang kanilang COVID-19 booster shots upang maiwasan ang pagdami ng severe at critical cases.
Samantala, base sa website ng World Health Organization (WHO), ang mga Omicron subvariants na isinailalim sa monitoring noon pang Oktubre 4, 2022 ay BA.5, BA.2.75, BJ.1, at BA.4.6.





Comments