70-milyong Pinoy na target maging fully vaccinated sa December, malabong mangyari
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | August 01, 2021
MARAMING GUSTONG MAGPABAKUNA, KAPOS LANG SA SUPPLY ANG GOBYERNO—Dapat tigilan na ni P-Duterte ang mga pagbabanta at bad na pananalita tungkol sa mga ayaw daw magpabakuna, na kesyo ipahuhuli at ipakukulong niya, sinasabihan pang buang (baliw) at ang latest ay uutusan daw niya ang mga pulis at barangay chairman na huwag palabasin ng bahay ang mga ayaw magpabakuna.
Sa totoo lang, atin namang nasasaksihan ito sa mga balita at social media, na marami ang gustong magpabakuna, pumipila ng pagkahaba-haba, tapos umuuwing hindi nabakunahan kasi kapos ang supply ng bakuna sa mga vaccination center, period!
◘◘◘
KAPAG MABAGAL PA RIN ANG VACCINATION PROGRAM, BAKA SUMABLAY ANG GOBYERNO SA TARGET NA 70-M PINOY NA BAKUNADO SA DECEMBER—Ibinida ni Presidential spokesman Harry Roque na higit 7-milyong Pinoy na ang fully vaccinated kontra COVID-19 sa bansa.
Sablay ang ibinidang ‘yan ni Roque kasi lumabas na mabagal pa rin ang vaccination program ng pamahalaan dahil ang target ng gobyerno ay 70 milyong Pinoy ang mabakunahan pagsapit ng December 2021, pero limang buwan (March-July) na ang pagbabakuna ng gobyerno ay 7 milyong Pinoy pa lang ang fully vaccinated.
Dapat bilisan ng gobyerno ang pag-angkat ng bakuna at vaccination program kasi kung babagal- bagal pa rin ay baka sa nalalabi pang limang buwan (Agosto-December) ay sumablay ang target nilang bakunado na ang 70 milyong Pinoy pagsapit ng Disyembre, period!
◘◘◘
PANAY ANG PANAWAGANG MAGPABAKUNA, TAPOS BIGLANG NAG-UTOS NA BAWAL LUMABAS KASI LOCKDOWN—Panay ang panawagan ng Duterte gov’t. sa taumbayan na magpabakuna, pero kamakalawa ay inaprub ni P-Duterte ang rekomendasyon ng IATF (Inter-Agency Task Force) na i-lockdown o isailalim sa ECQ (enhanced community quarantine) ang Iloilo, Cagayan de Oro City, Gingoog City mula ngayong araw (Aug. 1) hanggang Aug. 7; at ang Metro Manila ay ECQ mula Aug. 6 hanggang Aug. 20.
Ang gulo kasi mantakin n’yo, nananawagan ang gobyerno na magpabakuna, at siyempre ‘yung mga susunod ay lalabas ng bahay para magtungo sa mga vaccination center, tapos biglang magdedesisyon bawal lumabas ng bahay kasi lockdown at semi-lockdown, boom!





Comments