top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

7, 500 active COVID-19 cases sa Hulyo, babala ng DOH

BULGAR
Jun 25, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | June 25, 2022


Posibleng sumipa sa 7,500 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa sa kalagitnaan ng Hulyo.


Ito ang babala ng Department of Health (DOH) kung ititigil ng publiko ang pagsunod sa mga health protocols, gayundin kung mananatiling mababa ang bilang ng mga nagpapa-booster shot.


Base sa datos, sa 57 milyong fully vaccinated adults, 14.7 milyon pa lamang ang nakakatanggap ng booster shot. Dahil dito, nakikita rin ng ahensya na tataas ang bilang ng mga ma-o-ospital dahil sa bumababang immunity.


Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 5,000 ang bilang ng active COVID-19 cases sa bansa.


Samantala, ang COVID positivity rate sa Metro Manila ay tumaas sa 5.2% ngayong linggo kumpara sa 3.2% noong nakaraang linggo. Gayunman, binigyang-linaw ng DOH na hindi ito ang basehan para tukuyin ang COVID situation.


Sa ngayon, mababa pa umano ang health care utilization rate, kaya hindi umano kailangang baguhin ang alert level. Gayunman, nais ng ahensya na matutukan ang pagbabakuna kontra COVID-19.


Sa totoo lang, hindi nakakagulat kung tataas pa ang bilang ng aktibong kaso sa susunod na buwan.


Kapansin-pansin kasing marami nang nakakalimot sa health protocols. Imbes na “new normal”, tila back to normal ang sitwasyon. Hamon din ang halos hindi na nadagdagang bilang ng mga nagpapabakuna. Idagdag pa ang mga mass gathering dahil mararmi na ring nagdiriwang ng mga pista, at ang pagbabalik-eskuwela at opisina.


Pero siyempre, ‘di puwedeng hintayin na lang nating tumaas ang bilang ng hawahan, kaya ngayon pa lang ay kailangan na nating magdoble-ingat.


Gayunman, makakatulong ang rekomendasyon ng DOH sa susunod administrasyon na panatilihin ang mandatory face mask, gayung mabisa itong panangga sa virus at iba pang sakit.


Anuman ang mangyari, sana’y nakahanda ang pamahalaan sa posibleng pagsipa ng mga kaso ng sakit, at siyempre, gayundin ang mga pagamutan.


Hangad nating may sapat na kapasidad at puwersa ang mga ospital upang matugunan ang mga tatamaan ng sakit.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page