top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

64,000 trabaho, bukas sa May 1 job fair

BULGAR
Apr 27, 2022
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | April 27, 2022


Kasabay ng paggunita ng Labor Day sa Mayo 1, mahigit 64,000 trabaho ang alok sa job fair na idaraos ng Department of Labor and Employment (DOLE).


Ayon sa DOLE, nasa 64,485 ang kabuuang bilang ng job vacancies na alok ng 641 employer, kung saan sa naturang bilang, 52,237 ang local employment habang 12,248 ang overseas employment.


Kabilang sa top vacancy sa local employment ang trabahong production operator o machine operator, customer service representative, collection specialist, retail o sales agent o promodizer, at market research interviewer.


Sa overseas vacancies naman, nangunguna ang nurse o nursing aide, waiter, food server, household service worker, kitchen helper o assistant cook at salesperson sa mga bansang Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, Kuwait, Germany, Poland, UK, Japan, Taiwan at Singapore.


Samantala, may 24 lugar kung saan idaraos ang job fair, pero ang main site ay sa Kingsborough Convention Center sa San Fernando, Pampanga.


Maaaring personal na pumunta ang mga aplikante sa job fair site, pero puwede ring mag-apply online.


Magandang balita para sa ating mga kababayan na libu-libong trabaho ang magbubukas dahil ibig sabihin, bawas-tambay.


‘Ika nga, ‘di naman ginusto ng ilan na mawalan ng trabaho. Kung tutuusin, marami sa kanila ang sumusubok na maghanap ng trabaho, pero mailap ang oportunidad.


Ngunit ngayong mahigit 60,000 ang bukas na trabaho, malaking tulong ito para sa mga nais maghanapbuhay.


Sana lang, masundan pa ang job fair na ito sa mga susunod na buwan. Marami pa tayong kababayan na naghahanap ng trabaho at hangad nating lahat ay mabigyan ng oportunidad.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page