top of page
Search
  • BULGAR

61-anyos na si Doneza sa 160-Km ay kakasa pa

ni Nympha Miano-Ang @Sports | August 18, 2023




Matinding preparasyon ngayon ang ginagawa ng tubong Batangas City na si Marlene Gomez Doneza ng Paharang East upang matupad ang susunod niyang target na matakbo ang Bataan Death March o BDM 102 km lalo at higit ang BDM 160 km.


Sa edad niyang 61, isinilang noong Enero 6, 1962, una niyang rason kung bakit siya tumatakbo ay para lalo pang lumakas, gumaan ang pakiramdam at manatiling parang bata ang pagkilos ng katawan upang hindi agad mapagod sa araw-araw na gawain, hindi rin tumataba at kasabay ng walang iniinom na maintenance na gamot.


Kahanga-hanga dahil hindi rin sagabal sa kanya ang mga paningin dahil kahit wala siyang salamin sa mata ay malinaw pa rin niyang nakikita ang lahat sa malayuan.


"Kapag may takbo akong darating siyempre excited at pinaghahandaan ko, kailangan kong mag-training para hindi ako ma-injury at matapos ang race ng safe. Excited na ma-meet ang ka-runners. Para kasi sa amin isa itong bonding at habang tumatakbo kami kuwentuhan sa daan, natutuwa kami sa mga kuwento ng bawat isa sa buhay. "


Nagpapasalamat din aniya si Doneza sa sporty niyang pamilya, "Pagkatapos ng race namin ay mag-iisip at hahanap na naman kami kung saan kami magpapa-register na next race. Napakapalad ko naman at ang pamilya ko ay sporty kaya naintindihan nila ako.


Positibo lang ako lagi na matatapos ko dahil taimtim akong manalangin na makakatapos ako nang ligtas."


Bilang senior sa ultra running, "taglay na namin ang lawak ng karanasan sa buhay, matiyaga kami, matiisin, may dedikasyon, malawak ang pang-unawa at pursigido."


Sa karakter ni Doneza bilang may edad nang atleta, ito marahil ang pundasyon niyang matatag kumpara sa mga kabataan na hindi pa gaano kabuo ng loob sa sport na kanyang minamahal.


Sa mga rutang kanyang dinaraanan, masarap sa kanyang pakiramdam na nakikita ang magagandang tanawin sa trail routes ng bundok, gubat at mga ilog, bagamat mas komportable siya sa road route.


'Kabaliwan' ba ang kanyang sport? Sagot niya, "sa mga natakbo at sa mga walang hilig sa pagtakbo, sa larangan na ito, magbabayad ka ng registration, mamamasahe, magdamag na 'di matutulog, tatakbo, mapapagod, mahihirapan, minsan mai-injury pa, maghapon bilad sa araw at minsan nabasa pa ng ulan kaya hindi maiwasang masabing ito'y isang kabaliwan nga haha. Pero du'n sa mga nakakaintindi at natakbo ng ultra isa itong napakaganda at masayang sports na kada takbong matatapos ay may matututunan na iba't ibang karanasan."


Pinakamagandang katangian ng isang ultra marathoner na tulad ko ay maganda ang kalusugan, may proper training, determinado, pokus, may pasensiya, positibo, palakaibigan, tapat at madasalin. "Kapag may ganyan kang mga katangian ay tiyak na tagumpay ang iyong ultra."


Sa kabuuan ng ultra run ni Doneza, may kabuuan nang 36 na beses na ang pinakamalayo, kasama ang 117 km, kasama pa ang 24 hrs endurance marathon, 24 hrs crazy run na 100 km at isa pa sa pinakamahirap ay ang 100 km Taal loop dahil first time niyang mag-100 km. Sa huling run niya ay binalisawsaw siya nang husto, sumakit ang puson at "kada ihi ko ay mapula at may kasamang dugo, 3 days akong mapula ang ihi.


Di ko pa kasi alam paano at ano ang gagawin pag nag-ultra marathon, akala ko sapat na nag mag-training sa pagtakbo, kailangan ang palagiang hydration, kaya ng mga sumunod na run ko alam ko na ang mga dapat gawin. Dito sa run na ito 1st time kong mag-100 km at 1st time na mag-champion sa ladies category."


Kaya naman may mahalagang payo siya sa mga nagsisimula pa lang sa ultra mary, "Dapat ay nasa magandang kondisyon ang katawan at kalusugan, sapat ang ensayo bago sumabak. May tamang training, may dedikasyon at handang mapagod, magtiis at masaktan. " Importante rin na pag-aralan ang ruta ng karera. Kung downhill, uphill ang ruta, mag-training ka."


"Magandang benepisyo ng running ay malakas na pangangatawan, walang maintenance at dumarami pa ang mga kaibigan," pagtatapos ni Doneza.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page