6 illegal recruitment agencies, ipinasara noong 2023

ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 27, 2024

Nagpasara ang Department of Migrant Workers (DMW) ng anim na illegal recruitment agencies noong 2023, na karamihang naisagawa sa katapusan ng taon, ayon sa pahayag ng ahensya ngayong Sabado.
"For the last four months, nakaka-apat na. For 2023, anim," sabi ni DMW officer-in-charge Atty. Hans Leo Cacdac sa isang interbyu sa Dobol B TV.
"Kabilang na roon ang pinuntahan namin sa Quezon City. At ito'y muling pagpapahiwatig ng aming determinasyon na sugpuin ang illegal recruitment, kasi nagiging talamak na eh," dagdag ni Cacdac.
Tinutukoy ni Cacdac ang isang travel agency sa Quezon City na kanilang ipinag-utos na isara noong Martes dahil sa alegasyon ng ilegal na operasyon sa recruitment.
Ayon sa mga reklamo ng ilang aplikante, naniningil ang Legal Connect Travel Consultancy ng bayad na nasa pagitan ng P200,000 hanggang P380,000 para sa trabaho sa Italy at Malta.





Comments