Korona ng FIBA 3X3 World Tour, iniuwi ng Ub Huishan NE Serbia
ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 31, 2022

Tinalo ng Ub Huishan NE ang kanilang kababayang Liman Huishan NE, 20-17, upang maiuwi ang korona sa 2022 FIBA 3x3 World Tour Manila Masters sa Ayala Malls Manila Bay Linggo ng gabi. Ang mainitang laban ang tumuldok sa dalawang araw ng pinakamataas na antas ng 3x3 kung saan nagtapos sa ika-7 at ika-8 pwesto ang Cebu Chooks at Manila Chooks sa 14 na kalahok.
Nanguna para sa mga kampeon sina Marko Brankovic na may 9 na puntos at ang napiling Most Valuable Player ng torneo Dejan “Maestro” Majstorovic na may 8 puntos patungo sa $40,000 (P2.087M). Nag-ambag ng 3 puntos ang numero unong manlalaro sa mundo na si Strahinja Stojacic habang si Nemanja Barac ang pang-apat nilang kakampi.
Dalawang sunod-sunod na ang kampeonato ng Ub matapos magtagumpay sa pambungad na torneo sa Utsunomiya, Japan noong Mayo 15 at patibayan ang estado ng Serbia bilang numero unong bansa sa FIBA 3x3 World Ranking. Nakabawi ang Lima, ang defending champion ng World Tour, sa kanilang pagtapos ng ika-lima sa Japan at tumuloy agad sa Pilipinas upang makapag-ensayo sa mga Pinoy na koponan.
Samantala, dinaig ni Brodie Stephens ng Australia si David Carlos ng Pilipinas sa Slam Dunk Contest bago ang kampeonato at mauwi ang $4,000 (P208,696). Kinuha ni Stephens ang pagkakataon na nag-mintis si Carlos sa kanyang una sa tatlong dunk.
Ang susunod na yugto ng World Tour ay gaganapin sa Prague, Czech Republic sa Hulyo 30. Plano ng Cebu at Manila ang lumahok sa mga lingguhang FIBA 3x3 Challenger sa Europa upang makakuha ng tiket sa Prague at sa iba pang mga yugto ng serye kasama ang Cebu Masters ngayong Oktubre 1.
Sa panayam matapos ang kampeonato, pinuri nina Stojacic at Majstorovic ang husay ng mga manlalarong Filipino. Subalit nagpayo sila na dapat mamili kung tututukan ang maglaro sa 3x3 lang at isantabi muna ang paglaro ng limahan.





Comments