51 pinagdadampot sa SONA
- BULGAR

- 14 hours ago
- 2 min read
ni Jeff Tumbado @News | July 28, 2026

Photo: KALIWA’T kanang pag aresto ang isinagawa ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilang raliyista matapos sumiklab ang kaguluhan sa Commonwealth Avenue, Quezon City ilang oras bago ang SONA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. (Jeff Tumbado)
Umabot sa 51 ang naaresto sa gitna ng mga kilos-protesta kasabay ng State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kahapon.
Unang umigting ang tensyon sa ilang bahagi ng Commonwealth Avenue sa Quezon City matapos magkasagupaan ang mga raliyista at mga tauhan ng Philippine National Police-Quezon City Police District (QCPD).
Ilang mga raliyista ang inaresto ng mga awtoridad dahil sa umano’y vandalism, pagsasagawa ng pagtitipon nang walang rally permit, at pananakit umano sa isang pulis.
Mariin namang itinanggi ng mga demonstrador ang mga paratang at iginiit na mapayapa nilang isinasagawa ang kanilang karapatang magpahayag at magprotesta.
Nasira rin ang isang bus ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) matapos umanong pagbabatuhin ng ilang nagpoprotesta, na naging dahilan ng pagkabasag ng isa nitong bintana.
Samantala, hinarang sa Mindanao Avenue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Land Transportation Office (LTO), at Philippine National Police Highway Patrol Group (HPG) ang grupo ng mga manggagawang bukid mula sa Central Luzon na patungo sana sa People’s State of the Nation Address (PSONA) protest sa Quezon City.
Ayon sa Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA), pinauwi umano ng PCG at HPG ang mga manggagawang bukid at hindi sila pinayagang bumiyahe patungo sa Department of Agriculture, kung saan nakatakda silang magsagawa ng programa bilang bahagi ng kanilang kilos-protesta.
Una nang tiniyak ni QCPD Director Police Brig. Gen. Glen Silvio sa publiko na inatasan ang lahat ng mga pulis na pairalin ang “maximum tolerance” sa paghawak sa mga kilos-protesta habang pinananatili ang kapayapaan at kaayusan.





Comments