50K scholarship grant para sa rice farmers – TESDA
ni Lolet Abania | July 21, 2022

Naglaan ng 50,000 scholarship slots ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa mga rice farmers ngayong taon sa ilalim ng Rice Extension Services Program (RESP).
“Itong 2022, meron tayong nakalaan na 50,000 slots for our farm school scholarship program or agriculture program,” ani TESDA Deputy Director General Aniceto John Bertiz III sa Laging Handa briefing.
Ayon kay Bertiz, layon ng TESDA na makapag-produce ng mga “highly skilled” na mga magsasaka sa ilalim ng RESP at kanilang Agrostudies program.
Sinabi rin ng opisyal na ang mga programa ng TESDA sa agrikultura, kabilang dito ang crop at animal production, seed preparation at irrigation, ay layong i-boost ang industriya at maibaba ang gastos para sa produksyon nito.
“TESDA will be prioritizing ‘aggressive agriculture’ in the technical development of its skills courses, in line with the directive of President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.,” sabi ni Bertiz.
Binanggit naman ni Bertiz na mahigit sa 50,000 ang nakapagtapos na ng pag-aaral sa ilalim ng RESP mula 2020 hanggang 2021.
Gayundin, nagawa ng ahensiya na makapagpatayo ng mahigit sa 665 farm field schools sa ilalim ng Agro-Entrepreneurship program.
Ayon pa kay Bertiz, ang mga slots sa ilalim ng RESP ay bukas din para sa mga dating overseas Filipino workers (OFWs), displaced workers, at mga kaanak ng mga magsasaka.





Comments