₱500 dagdag-pensyon nina lolo’t lola kakarampot, kumpara sa malaking confi fund ng mga pulitiko
- BULGAR
- Aug 13, 2023
- 1 min read
@Editorial | August 13, 2023
Inaasahang doble na ang matatanggap na pensyon ng mga mahihirap na senior citizens.
Una nang iniulat na halos P50 bilyon ang pinag-aaralang social pension fund para sa mga indigent senior sa susunod na taon.
Sa naitalang P5.768-trillion 2024 National Expenditure Program, nasa P49.81 bilyon ang inilaan na 97 percent surge mula sa budget ngayong taon na P25.3 bilyon.
Sasaklawin nito ang tumaas na buwanang allowance ng gobyerno na P1,000 para sa higit sa apat na milyong mahihirap na senior citizen na hindi bahagi ng pension system.
Ang Social Pension for Indigent Seniors Act, na naging batas noong Hulyo 2022, ay dinoble ang buwanang pensyon mula P500 hanggang P1,000 bawat validated indigent senior citizen sa ilalim ng Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) program.
Maaaring sabihin na magandang balita ito para sa mga senior dahil madaragdagan ang kanilang pambili ng gamot o pagkain pero kung iisipin, kulang na kulang pa rin. Sa mahal ng mga bilihin ngayon, maliit na halaga na lang ang isang libong piso.
Ang isa pang masaklap na katotohanan, walang-wala ito kung ikukumpara sa naglalakihang confidential funds ng mga pulitiko. Kung ‘yung kina lolo’t lola ay alam nating mapupunta sa pagkain at gamot, ‘yung sa mga ahensya ng gobyerno, saan kaya?
Pare-pareho na lang tayong umaasa na mararamdaman din ng taumbayan ang milyones na pondo na walang lantad na resibo.



Comments