top of page
Search
BULGAR

5 yrs. nang magdyowa… GERALD, KUMANTA KUNG BAKIT SI JULIA NA ANG "THE ONE"

ni Janiz Navida @Showbiz Special | August 29, 2024



Showbiz News
Photo: Gerald at Julia Barretto

Balik-serye na si Gerald Anderson after 2 yrs. ng pamamahinga niya sa paggawa ng teleserye.


A Family Affair ang huling serye ni Gerald sa ABS-CBN kasama sina Ivana Alawi, Sam Milby, Jake Ejercito at Jameson Blake.


Ani Gerald sa ginanap na announcement kahapon ng JRB Creative Production, right project ang Nobody para sa kanyang pagbabalik-serye dahil maia-apply niya rito ang kanyang mga ginagawang advocacy at pagtulong sa kapwa in real life.


Hindi nga ba't ang dami-daming pumuri kay Gerald matapos niyang lumusong sa baha para mag-rescue sa mga biktimang na-stranded sa Bagyong Carina?


At kahit nga ang girlfriend niyang si Julia Barretto ay proud na proud din sa aktor dahil kahit napakadelikado ng ginawa ni Gerald, hindi ito nag-atubiling tumulong sa kanyang kapwa.


Kuwento nga ni Gerald kahapon sa announcement ng bago niyang serye, nu'ng kasagsagan ng pagtaas ng baha, supposedly, 'yung apat na motor niya ang ililipat niya ng parking dahil tumataas na nga ang tubig. 


Pero nu'ng may mapadaang rescue boat sa tapat ng kanyang bahay at ibinalita sa kanyang may mga na-stranded nang residente, siyempre ay inuna na raw niyang tulungan ang mga ito dahil ang katwiran nga niya, 'yung mga motor niya ay puwede namang ipagawa, pero mas importante 'yung mga buhay na kailangan nilang saklolohan, kaya 'di na siya nag-atubili.


Hindi na rin bago kay Gerald ang pagtulong, dahil sabi nga ng aktor, namana niya ito sa kanyang ina na nu'ng bata pa raw siya at wala pa silang pera, kesehodang magbenta ng mga gamit nila sa bahay ang kanyang ina maitulong lang nito sa mga lumalapit sa kanilang nanghihingi ng tulong.


At ito nga ang isang ugali ni Gerald na nag-aangat sa kanya kahit pa sabihing ilang beses na rin siyang na-bash at naging nega sa paningin ng ilang tao.


Samantala, dahil Nobody ang title ng bagong serye ni Gerald, tinanong namin ang aktor kung masasabi ba niyang "Not just NOBODY" ang girlfriend na si Julia Barretto kundi "SOMEBODY" na matatawag na niyang kanyang "THE RIGHT ONE"?


Napangiti si Gerald bago sumagot at sinabing sa 5 yrs. nila ni Julia, siyempre naman ay masasabi na talaga niyang ito na ang "the right one" niya.


Ayaw lang daw niyang madaliin si Julia para mag-settle down dahil nakikita niyang ngayon pa lang talaga natutupad ang mga pangarap ng girlfriend lalo't recently ay nag-box office hit nga ang balik-tambalan sa pelikula nina Julia at Joshua Garcia via Un/Happy For You.


When asked kung ano'ng isang quality ni Julia ang nagustuhan niya para masabing ito na ang "the right one", ani Gerald, "'Yung personality niya, 'yung pagiging fighter niya, 'yung pagiging malambing niya. 'Pag tiningnan mo siya, 'di ba, mukha siyang bata, pretty face lang pero hindi, malalim siyang tao, she's very beautiful inside and out."

'Yun na! Alam na this!


 

TONY, KINASUHAN NG SEXUAL HARASSMENT NG KAIBIGAN, NA-TRAUMA


Tony Labrusca

NAKAUSAP din namin si Tony Labrusca sa pocket mediacon para sa first ever lead role niya sa pelikulang What You Did na isa sa mga entries sa Sinag Maynila Film Festival na magaganap sa Sept. 4 to 8.


Psychological thriller ang movie na mula sa direksiyon ni Joan Lopez-Flores, ang first-ever female full-length filmmaker sa Sinag Maynila Filmfest.


Challenging daw para kay Tony ang dual role niya sa movie, but with the help of Direk Joan, nabigyan naman daw niya ng justice ang karakter niya na isang content creator na dumaan sa traumatic experience.


In real life, aminado si Tony na dumaan din siya sa traumatic experience matapos kasuhan ng sexual harassment ng mismong kaibigan three years ago. But the good thing daw is nanalo naman siya sa kaso at naka-move on na.


Tinanong namin si Tony kung nagkaroon din ba siya ng traumatic experience or encounter tungkol sa sexual abuse nu'ng nag-uumpisa pa lang siya sa showbiz.

Nag-aalangang sagot nito, "Ah, no… maybe?" at sinabing blessed siya dahil sa lahat ng mga pinagdaanan niya, 'di naman daw siya pinabayaan ni Lord.


Alam daw niya na talagang may nangyayaring ganito sa industry pero depende naman daw 'yun sa mga taong involved.


Pero para sa kanya raw, 'di siya komportableng pag-usapan ang ganitong sensitibong bagay. At kung may nangyari man daw o wala na sexual abuse sa kanya, hindi na raw para pag-usapan pa dahil 'di naman na mahalaga 'yun, ang mas mahalaga ay 'yung active pa rin daw siya ngayon at patuloy pa ring nabibigyan ng projects tulad nga nitong What You Did.


Thankful si Tony sa tiwala ng producer niyang si Ms. Josie Garcia ng The Jumpcat Experiment at kay Direk Joan Lopez-Flores dahil sa kanya nga ibinigay ang role sa What You Did.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page