5 petmalu, magpapabilisan sa Rating Based sa Turf
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | August 10, 2022
Magtatagisan ng bilis ang limang mahuhusay na kabayo sa magaganap na PHILRACOM Rating Based Handicapping System na pakakawalan sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, ngayong araw.
Nakatutok ang mga liyamadista kay Namayan na sasakyan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jessie Basilio Guce sa distansiyang 1,200 meter race.
Komento ng mga karerista, inasahang mapapalaban si Namayan at si class A rider Guce dahil mga dekalidad din ang kanilang makakalaban. Walang ibang nasa kukote ni Guce kundi ang ipanalo si Namayan upang mapasaya ang kanilang mga tagahanga.
Makakalaban ni Namayan sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon ay sina Dragon Butterfly, The Accountant, Stella Malone at Magnificent Lady. "Mapapalaban si Namayan diyan pero ako puwede na rin sigurong i-single siya sa gagawin kong winner take all," saad ni Marlon Vicente, veteran karerista.
Tinatayang P45,000 na added prize ang ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta, habang hahamigin ng winning horse owner ang karagdagang P10,000 premyo.
Samantala, ipinapatok ng karera tipsters si Easy Landing sa isa pang PHILRACOM-RBHS na pakakawalan sa pang-apat na karera.
Ang ibang kasali sa karerang may distansiyang 1,200 meter race ay sina Great Connection, Waray Na Waray Pa, Tsetseburetse, Stalag Seventeen, Heritage at Morning Girl.
May pitong races ang inihanda ng Metro Manila Turf Club Inc. (MMTCI) ngayong araw kaya paniguradong masisiyahan ang mga karerista sa kanilang pananaya, magsisimula ang karera sa alas-6:15 ng gabi.
Mga Pili ni Green Lantern: Race 1 - Namayan (4), Stella Malone (2) Race 2 - Union Run (4), Jawo (2), Tanforan (3) Race 3 - Bonifacio (3), Plus (1) Race 4 - Easy Landing (4), Heritage (6)
Race 5 - Ring A Bell (4), Kissing Bandit (7), A Certain Smile/Et Tu Brute (1/1A)
Race 6 - Kusing/Boodle Fight (2/2A), Beastmode (4) Race 7 - Huckleberry (7), Bebang (3), Primetime Magic/Sheer (1/1A)





Comments