5 nakipag-meetup para sa negosyo, niratrat

by Jeff Tumbado @News | October 24, 2026

Photo: Circulated
Tatlong indibidwal ang nasawi habang dalawa pa ang sugatan sa pamamaril sa isang fishpond sa Timako Hill, Brgy. Kalanganan 2, Cotabato City, Biyernes ng umaga, Oktubre 23.
Kinilala ang mga nasawi na sina Datu Maceda Taup Yusop, 53, negosyante; Mokamad Tabunaway Lanta, ng Lebak, Sultan Kudarat, at Reni Hamsa, mangingisda at residente ng Timako, Kalanganan 2.
Sugatan naman sina Daryl Bagundang Oliveros at Jun Tabunaway Lanta, kapwa kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Batay sa imbestigasyon ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, naganap ang pamamaril alas-7:40 ng umaga sa Maceda Fishpond.
Bago ang insidente, nagkita umano ang mga biktima at mga suspek para sa isang transaksiyon sa pagbili ng mga produkto. Gayunman, pagdating ng mga biktima ay bumaba mula sa puting Toyota Hilux ang tatlong lalaki at pinagbabaril sila.
Limang hindi pa nakikilalang lalaki ang tinutukoy na mga suspek, at tatlo sa mga ito ang naiulat na armado ng mahahabang baril.
Kabilang sa mga posibleng motibo ang matagal nang alitan ng mga pamilya at umano’y pangingikil sa negosyo, ngunit patuloy pa itong iniimbestigahan ng mga awtoridad.





Comments