4 minero na tirador ng bangko at pawnshop, tiklo

ni Janice Baricuatro @News | October 24, 2026

Photo: PNP Region 4A
Apat na hinihinalang miyembro ng Termite Gang, kabilang ang lider nito, ang arestado sa raid kamakalawa ng Regional Intelligence Division 4A sa kanilang pinagtataguan sa Bypass Road, Trece Martires City, Cavite matapos ang dalawang buwang pagmamanman.
Hindi pa pinangalanan ang mga suspek na umano’y sangkot sa mga panloloob sa bangko at pawnshop sa CALABARZON at Metro Manila.
Narekober sa raid ang apat na baril, mga bala, dalawang granada at mga gamit sa paghuhukay.
Ayon kay Police Col. Vic Cabatingan, hepe ng RID-4A, pawang mga minero ang mga suspek kaya sanay ang mga ito sa paghuhukay ng mga tunnel.
Nakatakda rin umano silang mangholdap ng mga convenience store at Korean House sa Dasmariñas, Silang, General Mariano Alvarez at Carmona.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang iba pang krimeng kinasasangkutan ng grupo at ang posibleng mga kasabwat nito.





Comments