5 milyon, target mabakunahan sa Bayanihan Bakunahan 3
Updated: Feb 10, 2022
ni Ryan Sison - @Boses | February 10, 2022
Sa ikatlong pagkakataon, muling magkakaroon ng nationwide vaccination drive kontra COVID-19.
Sa ilalim ng Bayanihan Bakunahan 3, target ng pamahalaan na makapagbakuna ng 5 milyong tao, na magsisimula ngayong araw, Pebrero 10 hanggang 11, 2022.
Ayon sa Department of Health (DOH), maaaring mabigyan ng primary dose at booster shot ang mga batang edad 12 pataas.
Dagdag pa ng kagawaran, pinakikilos nila ang lahat ng ahensiya ng gobyerno para matiyak na magiging maayos ang programa dahil naniniwala sila na kung mas mapapadali ang pagbabakuna, mas madaling mapoproteksiyunan ang taumbayan at magiging ligtas ang ‘new normal’.
Samantala, patuloy ang panawagan ng kagawaran sa volunteers, na magsisilbing screener, vaccinator, post-vaccination monitors at health educators.
Gayunman, matatandaang ayon sa DOH, 71.8% ng COVID-19 patients na may severe o critical symptoms ay hindi bakunado o partially vaccinated, habang 77.4% ng mga namatay ay walang bakuna kontra COVID-19.
Sa ngayon, 59.9 milyon na ang fully vaccinated sa bansa, habang 60.7 milyon ang nakatanggap ng initial dose at 8 milyong booster shots naman ang naiturok na.
Magandang balita na patuloy sa pagsisikap ang pamahalaan na maipagpatuloy ang vaccination program kahit masasabing malaking bilang na ng target population ang bakunado.
Kaya naman sana ay masabayan din ng taumbayan ang pagkilos ng pamahalaan.
Kung natatakot pa rin sa bakuna, nariyan ang mga eksperto na nagbibigay-kaalaman sa mabubuting epekto ng COVID-19 vaccine.
Iisa lang naman ang gusto natin— ang mamuhay sa ‘new normal’ nang ligtas kahit may posibilidad na manatili ang virus sa mahabang panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments