5 dekada na raw, pagod na… MARICEL, MAGRERETIRO NA SA SHOWBIZ
ni Erlinda Rapadas - @Teka Nga | December 11, 2022

Sa guesting niya sa vlog ng pamangking si Meryll Soriano, nabanggit ng Diamond Star na si Maricel Soriano na naiisip na rin niyang magretiro sa showbiz.
Mahabang panahon na ang ginugol niya sa pag-aartista at medyo nakakaramdam na siya ng pagod.
Nagsimula si Maricel na mag-artista noong 6 years old pa lang siya. So, mahigit na limang dekada na siya sa showbiz.
Narating na ni Marya ang peak ng kanyang success bilang artista. Nagkamit na siya ng ilang acting awards bilang pagkilala sa kanyang husay sa pag-arte. Maraming pelikula na siyang nagawa at hanggang sa telebisyon ay nagmarka rin ang pangalang Maricel Soriano.
Pinupuri rin ng mga directors ang kanyang pagiging professional sa trabaho. Pero, nagkakaedad din naman ang isang artista at napapagod din dahil 'di naman sila robot.
Kaya, dumating si Maricel sa punto na nagpaplano na siyang magretiro at mag-slow down sa trabaho. Pero, hindi raw niya ganap na iiwanan ang showbiz. Tatanggap pa rin siya ng pelikula kung gusto lang niya ang project na io-offer sa kanya.
Ayaw na ni Marya na magpaalipin sa trabaho. Deserve naman daw niya ang magpahinga at mamuhay nang payapa.
At this point of her life, tanggap na ng Diamond Star ang reyalidad ng buhay-artista.
Alam niya na may katapusan ang lahat. Nothing lasts forever. Hindi siya nag-iilusyon na sikat na sikat siya sa habampanahon.
Tanggap ni Maricel na malalaos din siya at papalitan ng mga mas batang artista. Kaya katwiran niya, “Give chance to others.”
Wala siyang balak na makipagkumpitensiya pa sa mga mas batang artista. Masaya na siya sa kanyang narating sa showbiz.





Comments