5-days quarantine sa health workers na COVID-19 positive, pinalagan
ni Ryan Sison - @Boses | January 12, 2022
Kamakailan ay inilatag ng pamahalaan ang bagong polisiya hinggil sa quarantine ng mga health workers na magpopositibo sa COVID-19.
Sa ilalim ng bagong polisiya, pinaikli ang quarantine ng mga COVID-19 positive health workers na asymptomatic at fully vaccinated. Sa halip na 10-araw, maaari na umano silang bumalik sa trabaho makalipas ang 5-araw. Bagay na umani ng hindi magandang reaksiyon sa mga medical frontliners.
Isa sa mga umapela ang grupong Alliance of Health Workers (AHW) at ayon sa presidente ng grupo, nakalulungkot umano kung papapasukin pa ang mga asymptomatic healthcare workers dahil may banta pa rin na makapanghawa sila ng virus.
At sa halip na paiksiin ang isolation period, tugunan na lang aniya ng gobyerno ang understaffing ng healthcare workers ng mga ospital.
Kasabay nito, nanawagan ang opisyal na ibigay nang buo ang benepisyo ng health workers na kakailanganing sumailalim sa isolation at quarantine.
Umpisa pa lamang ng pandemya, kitang-kita na natin ang hirap at sakripisyo ng medical frontliners. At ang masaklap pa, marami sa kanila ang hindi nagawang makaligtas sa panganib ng sakit, kaya ang ending, pilay ang health workforce.
Pero ‘ika nga, tao lamang din ang healthcare workers na ‘pag tinamaan ng sakit ay kailangan ng sapat na panahon upang magpagaling at makarekober.
Isa ito sa mga dapat pinaghandaan ng pamahalaan dahil kung walang medical frontliners, malamang ay marami nang COVID-19 victims na napabayaan.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, may ibang paraan pa para masolusyunan ang kakulangan ng health workers.
Tandaan, kung hindi dahil sa kanila, matagal na tayong tinalo ng pandemya.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments